Juris Fernandez’s husband supports her singing career |
| by Bernie Franco | April 13, 2012 2:45 AM | |
Malayo na talaga ang narating ng singer na si Juris Fernandez na unang sumikat bilang vocalist ng sikat na grupong MYMP noon. Pagbabalik-tanaw ni Juris, late bloomer siya at nagsimula lang kumanta noong patapos na siya sa kolehiyo. “Mahirap akong pakantahin dati. Wala nga akong experience. Sumali sana ako ng contests dati para ma-develop ako pero wala. Sa school ganyan lang. Sapilitan pa ‘yon. ‘Pag teacher ko na ang nagsabi talagang natatakot ako kaya ginagawa ko na siya,” kuwento niya. Nang mag-audition siya bilang singer after college, wala pa raw siyang balak noon na gawing career ito. Gayunpaman, sumikat ang mga kanta ni Juris at as they say, the rest was history.
Pero may bago na ring role ngayon si Juris dahil late last year ay ikinasal na siya. Naitanong ng ABS-CBN.com sa kanya kung ano ang pinagkaiba ngayong may hubby na siya, na siGavin Lim. “Wala naman masyado. ‘Yung pagigising ko lang ng maaga kasi doon lang kami nakakapag-usap talaga, ‘pag umaga. Kung ano ang mga nangyayari although ‘pag gabi din, ‘pag walang trabaho naman, ganun lang. Pero minsan system na namin na manonood kami ng videos, relax lang.”
Suwerte daw siya na very understanding ang kanyang asawa at suportado siya nito sa kanyang propesyon bilang singer. “Okay kasi naiintindihan naman niya ang trabaho ko. ‘Pag may free time ginagamit namin na magkasama kami. Wala namang problema so far.” Kaya naman mas madali para kay Juris na ituloy ang kanyang pagkanta. “’Pag kumakanta naman ako ‘pag naririnig ko ang mga tao natutuwa sila. ‘Pag nasa stage ako okay na ako,” aniya. “Natanggap ko na rin na ito ang pinapagawa sa akin ng Diyos, ang kumanta, kasi marami rin ang natutuwa, maraming masayang tao ‘pag naririnig daw akong kumanta.”
Hindi belter si Juris kagaya ng maraming female singers sa Pilipinas pero naabot niya ang kasikatan. Aniya, nagkataon lang na may market din naman kasi na ang gusto ay soothing ang boses. “Ang ibinibigay ko lagi maayos na pagkanta sa album, hindi lang kinakanta pati lahat ng pakiramdam sa pagkanta ibinibigay ko lahat, dun ako nagko-concentrate.”
Related Links and Articles

