The male stars of ‘The Reunion’ go out of their way to help in relief distribution |
| by Bernie Franco | August 13, 2012 4:22 AM | |
Sa pananalasa kamakailan ng matinding ulan na dala ng habagat, dahilan upang maraming Pilipino ang masalanta ng baha, sa halip na isipin ang kanilang sariling kapakanan ay mas pinili pa ng lead male stars ng pelikulang The Reunion na tumulong sa ibang tao.
Sa The Buzz kahapon, ikinuwento nina Kean Cipriano, Enchong Dee, Xian Lim at Enrique Gil na karamihan sa kanila ay naapektuhan din ng baha subalit mas pinili pa nila ang tumulong o kaya ay manawagan sa iba na tulungan ang mga higit na nangangailangan.
Isa si Kean, na taga-Pasig, sa mga nasalanta ng baha subalit hindi ito nakapigil sa kanya upang manawagan sa social networking sites na tumulong sa iba. Ani Kean, may mga international singers kasi na nagpaabot ng kanilang mga dasal at simpatya sa dinanas na baha, kaya naman na-inspire siya. Ani Xian, maging ang kanilang area ay pinasukan ng baha. “Sa amin sa Marikina, very mild kasi konting tubig lang ang pumasok pero syempre ‘yung mga pinuntahan namin sa katabing (lugar gaya ng) River Bank talagang lubog,” kuwento ng aktor.
Hindi naman daw naranasan ni Enrique na bahain dahil nagti-taping sila sa Tanay, Rizal for the teleserye Princess And I, “Pero ‘yung family ko binaha kami sa bahay nang konti lang pero di naman masyado,” aniya na ang bahay ay nasa BF Homes, Parañaque. Tumulong naman si Enrique sa pagpa-pack ng mga relief goods sa Sagip Kapamilya ng ABS-CBN.
Hindi naman nakaranas ng baha si Enchong kaya naman thankful siya. Mabilis naman siyang tumugon sa tawag ng kanyang mga kapwa artista na sina Bea Alonzo, Vina Morales at Shaina Magdayao na nag-organisa ng relief operation sa mga nasalanta. “Sila ang nag-invite kasi nu’ng una magdala lang daw ng pagkain, ng damit, ng mga kailangan ng mga sinalanta tapos nag punta ako do’n tapos andami pa palang kailangan tulong, kailangan ng kamay para magbalot. Di ko in-expect na ganun pa rin pala ang karaming kailangang gawin,” paglalahad ni Enchong.
Samantala, sinabi ni Xian sa panayam din sa kanya sa KrisTV na lumubog din ang bahay ng kanyang parents sa baha pero ang kanyang ka love team na si Kim Chiu ay di naman nasalanta. Inamin niyang magkasama sila ng aktres na nag-abot ng tulong sa mga biktima ng baha sa Marikina sa kanilang sariling effort.
Related Links and Articles

