Sinabi ng actress-host na si Toni Gonzaga na maraming dahilan upang ikonsidera niyang memorable ang movie niyang Ang Tanging Pamilya with Joseph Estrada, Ai-Ai de las Alas at Sam Milby. Aniya, hindi lahat ng artista ay nabibigyan ng pagkakataon na makatrabaho ang mga naglalakihang pangalan sa showbiz gaya nina Erap at Ai-Ai. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nakatrabaho niya ang Comedy Concert Queen dahil nagkasama na sila sa TV program before. Inilarawan ni Toni si Ai-Ai bilang maalagang co-star. “Si Ate Ai-Ai ever since nakakatrabaho ko po parang mommy po talaga siya sa set at talagang very sweet sa aming lahat. Napaka-caring tapos maalalay din po siya sa mga eksena tsaka nakita ko ‘yung dahilan kung bakit siya naging comedy queen,” kuwento ni Toni. Bumilib naman umano siya kay former president Erap dahil sobrang professional nito, ipinakita na may pagmamahal siya sa trabaho at mahusay makisama sa mga katrabaho. Hindi rin umano niya malilimutan ang pelikulang Ang Tanging Pamilya dahil sobrang na-enjoy niya ang paggawa ng pelikula. “Ito sa lahat ng nagawa kong pelikula ang hindi ko makakalimutan kasi unang-una kasama ko si Ate Ai-Ai tapos ang former president, and sa lahat ng ginawa ko, ito ang pinaka-all out na talagang nakakatawa,” pahayag ng aktres. “Nahirapan akong i-dub kasi inaalis ko muna ‘yung tawa sa sistema ko at ito lang siguro ‘yung pelikulang masasabi ko habang buhay ite-treasure ko dahil isang malaking honor na makasama sila sa isang pelikula at si Direk Wenn (Deramas) siyempre.” Sa Ang Tanging Pamilya din ang pagbabalik tambalan nina Toni at Sam Milby na certified love team dahil sa mga box-office movies nila in the past kagaya ng Close To You, You’ve Got Me, at My Big Love. Ipapalabas na sa sinehan ang Ang Tanging Pamilya ng Star Cinema sa November 11.
Related Links and Articles