Gerald Anderson returns to Primetime Bida as ‘Budoy’ |
| by ABS-CBN Corp. Comm. | September 19, 2011 1:13 AM | |
Nagbabalik sa telebisyon si Gerald Anderson sa pinaka-unang advocacy serye ng ABS-CBN bilang si Budoy, ang batang nagdurusa sa pagkakaroon ng Angel Syndrome na nagpapabagal sa pagkakahubog ng kaisipan ng isang bata.
Unang nakilala si Gerald sa kanyang pagkakabilang sa sikat na reality TV show na “Pinoy Big Brother: Teen Edition” ngunit nakilala siyang higit bilang isa sa mga pinaka-sikat na leading man sa Pilipinas sa kanyang pagganap sa mga teleseryeng “Sana Maulit Muli,” “My Girl,” “Tayong Dalawa,” at “Kung Tayo’s Magkakalayo.”
Sa kanyang pagbabalik primetime, sasamahan siya ng kanyang pinaka-bagong leading lady na si Jessy Mendiola at ni Enrique Gil na sumisikat bilang bagong heartthrob.
Si Jessy ay gaganap bilang si Jackie, ang kababata ni Budoy na nangangarap maging isang guro samantalang si Enrique naman ay gaganap bilang Benjamin, ang karibal ni Budoy sa pag-ibig ni Jackie at ang batang hindi napagkalooban ng pagmamahal ng sariling mga magulang.
Ang advocacy serye ang nagmamarka sa pagbabalik ni Janice de Belen sa Kapamilya network. Siya ang magbibigay buhay kay Bebang, ang tagabantay ni Budoy na siya naring umapon sa bata matapos ipagtabuyan ng sariling pamilya.
Abangan ang kakaibang pagganap ni Gerald bilang si Budoy, anak ng sikat na ob-gynecologist sa Pilipinas na si Dr. Gregor Maniego (Tirso Cruz III) at ni Luisa Maniego (Zsa zsa Padilla), ang sekretaryang piniling pakasalan ni Dr. Maniego laban sa kagustuhan ng kanyang ina.
Galing sa pamilya ng mga doktor si Dr. Maniego, ang kanyang inang si Dr. Alberta Maniego (Barbara Perez) ay isang kilalang oncologist samantalang ang kanyang kapatid na si Dr. Isaac Maniego (Christian Vasquez) ay isang sikat na brain surgeon.
Ang kapanganakan ni Budoy ay isang masayang kaganapan sa pamilya Maniego hanggang sa madiskubre ng mga ito na si Budoy ay may sakit at nagdurusa sa mabagal na pagkakahubog ng kaisipan.
Nagdesisyon ang buong pamilya na itago si Budoy at palitan siya ng isang normal na bata.
Kabilang sa mga bigating artista na magbibigay kulay sa “Budoy” ay sina Gloria Sevilla, Dante Rivero, at Mylene Dizon.
Ipinagmamalaki ng ABS-CBN ang “Budoy,” ang seryeng tiyak na magpapangiti sa inyong mga puso. Para sa karagdagang updates, mag-log on sa www.abs-cbn.com at sundan ang abscbndotcom sa Twitter.

