Pangungunahan ng ABS-CBN News and Current Affairs ang isang malaking pagbabago sa pamamagitan ng paglulunsad ng panghapong current affairs program ngayong Lunes (Dec 3) upang maabot at magkaloob ng serbisyo publiko sa mas maraming Pilipino sa bansa.
Bida sa “Pinoy True Stories” ang totoong kwento at suliranin ng mga Pilipino sa kanilang pamilya at komunidad na siyang hihimayin at aaksyunan ng mga batikang mamamahayag ng ABS-CBN.
“Tutugunan ng programa ang pangangailangan ng publiko na panagutin ang may kasalanan, tulungan ang mga nasalanta at nabiktima, at magbigay ng mahahalagang aral. Sa desisyon ng ABS-CBN na ilipat ang current affairs sa mas maagang timeslot, inaasahan naming mahimok ang mas maraming manonood na makialam sa mga isyu at maging mas matatalinong mamamayan,” pahayag ni Ging Reyes, ang head ng ABS-CBN News and Current Affairs.
Bubuksan ni Julius Babao ang linggo sa maaksyong “Bistado” kung saan isasapubliko niya ang mga pangyayari ng pananamantala at pang-aabuso sa lipunan, pati na ang mga kaso ng katiwalian sa pamahalaan at mga kriminal na gumagamit ng bago at kakaibang modus operandi.
Mga bangayan, awayan, at baranggayan naman ang tututukan ni Karen Davila sa “Engkwentro” upang lutasin ang gusot sa pagitan ng iba’t ibang magkarelasyon, magkapamilya, o magkapitbahay man.
Kaagapay ng mga Pilipino sa pagtulong ang reporters na sina Maan Macapagal at Dominic Almelor tuwing “Saklolo” kung saan kanilang aayudahan ang iba’t ibang taong naiipit sa anumang uri ng aksidente, pagmamalupit, o sakuna.
Samantala, legal na tulong at payo naman ang hatid ni Anthony Taberna sa “Demandahan” para bigyang kasagutan ang mga masasalimuot na kaso sa lipunan.
Iba’t ibang kwentong kababalaghan at katatakutan ang dapat na abangan sa “Hiwaga” kasama si Atom Araullo upang tuklasin ang katotohanan sa mga bagay na mahirap paniwalaan.
Sa “Pinoy True Stories,” ang Pilipino ang bida sa bawat kwento. Abangan ang pagbubukas nito ngayong Lunes ng hapon (Dec 3), 4:45 p.m. pagkatapos ng “A Gentleman’s Dignity” sa ABS-CBN. Para sa updates tungkol sa programa, bisitahin ang www.abs-cbnnews.com/currentaffairs.
Related Links and Articles

