'Minute to Win It' kicks off this Monday with Luis Manzano |
| by ABS-CBN Corp. Comm. | January 12, 2013 9:28 PM | |
Hindi mo kailangan ng espesyal na talento o pambihirang talino kundi husay, liksi, at diskarte lamang para magwagi ng P1 milyon sa bagong ABS-CBN game show na “Minute to Win It” na magsisimula na ngayong Lunes (Jan 14), 11 AM.
Bibigyan ng bagong kahulugan ng show ang kasabihang “time is gold” sa paghahamon nito sa studio players na makumpleto ang bawat challenge sa loob ng isang minuto. Hinihimok din nito ang mga ordinaryong tao na magsikap at magpraktis sa bahay gamit ang mga ordinaryong bagay gaya ng itlog, lapis, ping pong balls, at baraha para sa pagkakataong mabago ang kanilang buhay.
Kapag nalampasan ang sampung tila madadaling challenges ay tumataginting na P1 milyon ang iuuwi ng studio players.
Excited si Luis Manzano dahil bukod sa pagho-host, role din niya sa game show ang palakasin ang loob ng kinakabahang players.
“Pinakamalaking challenge ang pag-back up sa player. Kampi ako sa player as much as possible. Siyempre paminsan-minsan may ibang players na nawawalan agad ng puso kaya kailangan akong makahanap ng paraan para ma-build up ang confidence nila para magpatuloy sila at kumita ng mas malaking pera,” pahayag niya.
Dagdag pa niya, “Sa ‘Deal or No Deal,’ walang akong kinakampihan sa pagitan ni Banker at ng player. Sa ‘Pilipinas Got Talent,’ kabarkada ako ng contestant. Sa ‘Minute to Win It,’ taga-cheer ako.”
Buena manong maglalaro ang comedy concert queen na si AiAi delas Alas sa show ngayong Lunes. Iilan lamang sa nakaka-tense na challenges na maaaring niyang suungin ay ang pagpasok ng sinulid sa sampung karayom gamit ang isang kamay at pagpapatumba sa apat na lata gamit ang yo-yo na nakasabit sa likod ng baywang.
Hanggang saang level ang kaya niyang lampasan? Maiuwi kaya ni AiAi ang P1 milyon?
Bukod kay AiAi ay susubukan din sa pilot week ang diskarte ng iba pang Kapamilya celebrities na sina Cristine Reyes, Rico J. Puno, Maja Salvador, Zanjoe Marudo, K Brosas, at Miss Universe 2011 3rd runner-up Shamcey Supsup.
Pumatok ang “Minute to Win It” sa Estados Unidos at iba pang bahagi ng mundo para sa nakakaaliw at nakaka-excite nitong challenges na hinahamon ang mga ordinaryong taong mahasa ang kanilang husay at diskarte. May bersyon na rin ito sa 40 iba’t ibang bansa sa mundo kabilang na sa Australia, India, at United Kingdom.
Huwag palampasin ang “Minute to Win It” mula Lunes hanggang Biyernes simula ngayong Enero 14, 11AM sa ABS-CBN. Para sa updates ukol sa programa, bisitahin ang www.facebook.com/minutetowinitPH.

