Angelu De Leon on the father of her kids: ‘I have nothing against both of them’ |
| by Morly Alinio | November 15, 2008 9:09 PM | |
"I'm very, very well. Good. Lately I'm not doing anything for both stations. Ano pa ba, business lang ang pinagkakaabalahan ko and then I’m part of the organization called Jaycees Junior Chamber International. I'm the Vice President of Ortigas chapter, medyo busy sa social work. Ganun lang so far ang pinaggagawa ko." Ito ang description ng aktres na si Angelu De Leon sa kanyang typical day ngayong di siya busy sa pag-arte. Hindi man daw siya abala sa paggawa ng pelikula o soap opera, may may mga anak naman siyang pinagbubuhusan ng panahon at atensiyon. 10 years old na si Nicole na anak niya kay Joko Diaz at seven years old naman si Louise na anak naman niya sa businessman na si Jojo Manlongat.
Pagpaparenta ng mga bahay ang kasalukuyang business ni Angelu na kung saan ay pag-aari ng kanyang ina. At habang wala pa siyang projects, minabuti niyang tumulong na lang sa kanyang mga magulang dahil ito rin naman daw ang mga taong tumutulong sa kanya sa panahon ng kanyang mga pangangailangan. Ayon kay Angelu maganda ang takbo ng kanyang buhay. Hindi man daw siya madalas na nakikita ngayon sa telebisyon ay nabibigyan niya nang mas mahabang panahon si Nicole at Louise. "They’re human beings (laughs). I mean, taong tao na silang nakakausap. Kahit mga bata pa sina Nicole at Louise mararamdaman mo at makikita mo sa kanila yung concern at pagmamahal kaya nga sabi ko hindi man ako naging mapalad sa mga naging ama ng aking mga anak ay sobrang blessed naman ako sa aking mga anak dahil smart sila at makikita mo talagang mahal nila ako.”
Maagang naging ina si Angelu, kasikatan niya noong ma-in love siya kay Joko Diaz, na noong una ay ipinaglalaban niya ang pagmamahal sa binata na kinalaunan ay nauwi rin sa wala. "Acttually what is nice is since bata nga akong nagkaanak or naging ina mas naiintindihan ko yung nararamdaman ng baby ko. Like example Nicole had her tenth birthday and nagkaroon kami ng time together na kaming dalawa lang nag-Hong Kong kami na walang kasamang yaya, wala kasamang mommy ko, so ako lang talaga ang kasama niya. It’s a good feeling, alam mo yung napaka-relaxing na normal kaming mag-ina, nag-aaway sa daan, nag aaway sa taxi yun bang ordinaryong ordinaryo kaming tao. Nag-taxi kami, nag-bus kami at nag-train kami. Yung mga bagay na hindi ko nagagagawa noon ay nagagawa naming mag-ina na sa totoo lang ay walang kasing sarap dahil naranasan namin yung mga bagay na hindi namin nagagawa dito."
Sinabi pa nito na proud siya at napalaki niya ang anak nang walang Joko Diaz sa kanyang likuran. "Kasi ako naman hindi ako humihingi nang sustento ng anak ko. Ang sa akin kayo ang ama, alam niyo kung ano ang inyong obligasyon. Hindi ko na kailangang magsalita kung ano ang kailangan ng mga anak ko dahil alam ko, na alam niyo kung ano ang kailangan ng inyong anak." Ayon pa rin kay Angelu hindi naman daw hinahanap ni Nicole ang amang si Joko dahil ever since ay alam na ng bata kung ano ang situation nila. "She doesn’t go out of her way to ask where he is. Pag nagkakausap sila ganun lang. Alam naman niya kasi kung nasaan ang daddy niya." At noong Novemver 7 lang this year huling nagkausap si Joko at Nicole. May communication daw ang mag-ama at hindi iyon tinututulan ng aktres dahil wala raw siyang karapatan na panghimasukan ang relasyon ng dalawa.
Sa kabilang banda sa kauna-unahang pagkakataon pagkatapos ng mahabang panahon ay nagsalita si Jojo Manlongat tungkol sa anak niya kay Angelu at sa isang interbyu ay sinabi nitong kailangang ipa-DNA si Louise bago niya ito matanggap na anak. Kung matatandaan, naging mailap noon pa man si Jojo sa movie press sa pagbibigay komento hinggil sa diumano naging relasyon nila ni Angelu. Sabi naman ng aktres ay nagkikita pa rin sila minsan ni Jojo. "Nagkikita kami ni Jojo but we are civil at siyempre pareho kaming may common friends at dun lang kami nagkikita-kita." Ayon kay Angelu tulad daw ni Nicole, si Louise ay may sariling cellphone na kung saan ay nakakausap nito ang daddy niya. "Walang hiramang nagaganap. Hindi nahihiram ni Jojo si Louise pero as far as I know nag-kakausap sila by phone at hindi ko na rin pinakikialaman kung ano ang napag-usapan nila dahil alam kong may sariling utak na rin ang aking mga anak.
Mabilis na sinagot ni Angelu ang tanong kaugnay sa ginawang pagpapa-interbyu ni Jojo sa movie press. "Idinidinay ni Jojo si Louise? My God ang tagal na nun.Hindi ko naman pinagpipilitan kay Jojo na anak nga niya si Louise kung ayaw niyang tanggapin so what's the problem? Okay lang. Para sa akin kung ano sa tingin niya ang tama para sa kanya ay rerespetuhin ko iyon. Hindi ko kailangan ang sustento nila dahil napapalaki ko ang aking anak nang maayos kahit wala sila. Kung magbibigay sila salamat, at kung hindi naman okay lang.” Hindi na raw nasasaktan si Angelu sa naging pahayag ni Jojo dahil sa simula’t simula pa lang daw ay naihanda na niya ang kanyang sarili at mga anak sa maraming posibilidad na mangyari sa kanilang buhay. Si Joko at Jojo ay dalawang lalaki sa buhay ni Angelu na hindi raw pinagsisihan ng aktres na dumating sa kanyang buhay. Ang hindi lang daw maintindihan ng aktres ay kung bakit nabubuksan pa ngayon ang mga topic na matagal na niyang ibinaon sa limot "Ewan ko ba. Sila lang yung paulit-ulit na nagsasalita dahil itong mga bagay na ito matagal ko nang tinapos. I have nothing aginst both of them that’s what I can say and...wala...wala naman akong hinanakit sa kanila kung anuman itong nangyari sa buhay ko. Dapat ko lang sigurong pangatawanan dahil ito ang ginusto ko" pagwawakas ni Angelu.
Related Articles
Jojo Manlongat still not sure he is the father of Angelu De Leon’s child
Joko Diaz reveals that their family was devastated over his father’s illness.

