Dolphy joins Santino on May Bukas Pa |
| by Bernie Franco | August 10, 2009 1:32 AM | |

Sa patuloy na pangunguna sa buong bansa ng inspirational teleserye na May Bukas Pa, isa na namang makabagbag damdaming episode ang ihahandog nito simula ngayong linggo kung saan ang nag-iisang King of Comedy na si Dolphy ang magiging special guest. Gagampanan ni Dolphy ang role ng isang matanda na piniling manirahan sa home for the aged upang hindi maging pabigat pa sa kanyang anak.
Samantala, hindi rin itinago ng nirerespetong Comedy King na kahit siya ay nahikayat sa charm ni Santino o Zaijian Jaranilla sa totoong buhay. “Si Santino (Zaijian), tingnan mo pa lang talagang napaka-amo ng mukha, eh,” bida ni Dolphy. “Pati magbitaw ng dialogue malinis.”
Patuloy rin ang pangunguna ng May Bukas Pa sa mga TV ratings pagdating sa primetime block. Sa katunayan pati nga sa mga eskuwelahan at sermon sa mga misa, ginagawang basehan ang nasabing TV show pagdating sa pagtuturo sa magagandang asal.
Kahit sa mga aktor sa nasabing TV show ay umaamin na nagkakaroon ng magandang pagbabago sa kanilang buhay. Katulad na lamang ni Albert Martinez na recently ay nahaharap ang pamilya sa isang pagsubok dahil may cancer ang kabiyak niyang si Liezl Martinez. Hindi ikinakaila ni Albert na nagkaroon ng mga pagkakataon na nagtatanong siya sa ibinigay na pagsubok, gayunpaman, patuloy hindi siya nawalan ng pananampalataya. “Siyempre you have question in your mind, why. Of course lahat ng nangyayari sa buhay ng tao may reasons si Bro doon, so we’re just praying na sana maipakita sa amin kung ano ‘yung reason na ‘yon,” paliwanag ng aktor. “Dasal ko lang na give us more. Give us more because there’s more to do, more to accomplish, there’s more to love. We need more time together. ‘Di talaga ako nawalan ng pag-asa na he’s my only hope so that I will never lose. Lahat naman ibinigay ko na sa kanya, ‘Bro sa yo na ‘yon kung ano man ‘yung karapat-dapat.’ There’s a God (and) he’s there, he’s just watching us.”
Sa isang interview din sa ABS-CBN.Com, sinabi rin ni Victor Basa, na bahagi rin ng May Bukas Pa, na may magandang impluwensiya sa kanila ang paggawa ng kanilang programa. Aniya, nagkakaroon sila ng inspirasyon na mas maging mabuting tao. Hindi umano niya maipaliwanag subalit ang magagandang aral na itinuturo sa kanilang teleserye ay tumatagos din sa kanilang mga aktor at natutuwa siya rito.
Related Links and Articles

