Arnel Pineda reveals his struggles while he was growing up |
| by Chan Chan Torres | November 10, 2009 8:23 AM | |
Isang karangalan na makausap ng ABS-CBN.com si Arnel Pineda, na kilala bilang international star at bahagi ng grupong Journey. Naimbitahan ang ABS-CBN.com sa opening ng Empire Lounge and Taboo Room sa Pasig kung saan panauhin si Arnel ng nasabing lounge at talagang napabilib ang mga taga-media sa kanayng pagiging down- to-earth. Game na sinagot ni Arnel ang lahat na katanungan ng ilang entertainment press na naroon.
Sa ngayon at naka-alis na ang international star papuntang Oakland, USA kung saan magkakaroon siya ng series of shows. Isang linggo mamamalagi si Arnel sa Amerika pero babalik din siya agad sa bansa pagkatapos ng mga natanguang commitments doon. Sikat na sikat na si Arnel ngayon lalo nasa Amerika, standing ovation ang binibigay sa kanyang mga performances, at talagang sinabi ni Arnel, malaki ang utang na loob niya sa Journey na nagtiwala at naniwala sa kakayahan niya. Maniwala kayo’t sa hindi, sa likod ng matagumpay na kuwento ng buhay ngayon ni Arnel ay may malungkot siyang nakaraan. Nalaman naming laki sa lansangan pala ang singer na ito, bago siya na-enganyo ng kaibigang mag-audition para sa isang singing contest.
“Laki ako sa bangketa, lagi akong pagala-gala sa Luneta noon,” bungad pa ni Arnel nu’ng makausap siya ng ABS-CBN.com. “Naranasan kong hindi kumain ng tatlong araw. Naranasan kong kumain ng tira-tira, nakikitulog ako sa labas ng bahay. May mga tumulong naman sa amin, kasi ako, I went on my own, eh. Para hindi na ako makabigat sa father ko, I went on my own na.”
Bata pa lang daw si Arnel, sobrang hilig na niyang kumanta. Kahit mahirap ang buhay niya noon ay hindi siya tumigil mangarap. Sumali si Arnel sa mga singing contests at doon na nagsimula ang oportunidad para sa kanya bagama’t hindi pa raw siya ganoon ka-sigurado during that time that he’d make it big. Aminado si Arnel, nahirapan siyang mag-reach out noon sa Pinoy audience dahil iba ang demand ng manonood para sa singers dito sa atin. Aware si Arnel, na mas hinahanap ng Pinoy audience ang kabuuhan ng packaging sa isang singer. Ibig sabihin hindi lamang ganda ng boses ang panlaban, kundi pati na rin ‘yung tindig at physical appearance.
Agad tinanong si Arnel kung na-disappoint ba siya dahil mas nauna pa siyang nakilala sa ibang bansa kesa rito sa ‘Pinas? “Hindi naman. Siguro iba lang talaga ang gusto ng audience natin dito at nagkataong iba rin ang hinahanap ng mga tao sa abroad. Doon kasi basta, maganda ang boses mo, magaling ka mag-perform, they appreciate you na talaga.”
Paborito ni Arnel ang bandang Journey at isang malaking oportunidad ang mapabilang din siya sa bandang matagal na niyang hinahangaan. Pero may usap-usapan nga na balak din daw ni Arnel na mag-solo at iwanan na grupong Journey.
Sinabi ng singer, hindi raw totoo ang balitang aalis siya sa grupong Journey, with all gratitude ay sinabi ni Arnel na hanggang kailangan pa siya ng banda ay hindi niya sila tatalikuran. Isa ang Journey sa iilang naging inspirasyon ni Arnel sa kanyang pag-awit, paborito rin niya ang Queen, Beatles at iba pang rock bands na kilala sa buong mundo.
Ang 42-year-old na singer ay kumukuha din ng inspirasyon sa kanyang pamilya. “I have five kids. Dalawa sa una kong asawa at tatlo sa second wife ko.” Arnel doesn’t deny the fact na hindi siya kasal sa una niyang asawa pero ang pangalawa ay kasal na ang sikat na singer. “But we’re on good terms, kami ng first wife ko, civil kami. There are things lang talaga that didn’t work out kaya we decided to end whatever we had. But we’re okay.”
Related Articles

