Nalulungkot man ang Pop Star Princess at Box-Office Queen na si Sarah Geronimo sa mga ipinupukol na intriga sa kanya ay mas gusto na lamang niya na ipagpasa-Diyos na lamang ang mga ito. Hindi itinago ng singer-actress ang pagkalungkot niya sa pagkakadamay ng kanyang pamilya sa mga isyu. Sa kasalukuyan kasi ay lumutang ang pangalan ng daddy ni Sarah na diumano’y sinugod para pagsabihan ang natsi-tsismis na boyfriend ni Sarah na si Rayver Cruz sa dressing room sa ASAP XV a few weeks ago. “Nakakalungkot kapag ang pamilya ko ay nadadamay, ang daddy ko ay nadadadamay at napapasama at nakakalungkot din,” simula ni Sarah. “Ang masasabi ko lang eto namang pinasok po nating business hindi po natin maiiwasan ang intriga. Wala e bahagi ‘yan ng trabaho ko.” Tanggap na rin daw ng aktres na hindi mawawala ang pang-iintriga sa kanya kung kaya’t mas ninanais na lamang niyang iwan sa kamay ng Panginoon ang mga kaganapan. “Ang importante alam naman ng Diyos kung ano ang totoo at wala naman akong nasasaktang tao. Nginingitian ko lang kasi wala naman akong dapat ikabahala kasi ang Diyos ay kasama naman natin lagi. Hayaan na lang, hayaan na lang natin sila magsalita,” ani Sarah. Ni-reveal din ni Sarah na pansamantala muna nilang itinigil ang isinu-shoot na pelikula nila ng Teleserye Queen na si Judy Ann Santos dahil kailangan munang magpahinga ng aktres na ngayon ay nagdadalang tao. “Tatapusin po pagbalik ko kasi kailangang magpahinga ni Ate Judai, pagbalik ko from my US trip,” dagdag ni Sarah na magkakaroon ng series of concerts.
Related Links and Articles