TV Patrol still the leading newscast in the country |
| by ABS-CBN Corporate Communications | July 06, 2010 4:05 PM | |
Kasabay ng pagbuhos ng ulan ngayong Hunyo ay ang pagtutok naman ng mga Pilipino saan mang panig ng bansa sa umiigting pang kuwento ng “Agua Bendita,” pagwawagi ni Jovit bilang unang “Pilipinas Got Talent” grand winner, at pagtatanghal kay James Reid bilang big winner ng “Pinoy Big Brother Teen Clash 2010” na siyang muling naglagay sa ABS-CBN unang puwesto pagdating sa national, Mega Manila, at Metro Manila TV ratings survey ng Kantar Media/TNS.
Napataob ng ABS-CBN ang kalabang network sa nationwide ratings sa nakaraang buwan ng makakuha ito ng audience share na 44 percent na mas mataas ng 13 puntos sa GMA 7 na mayroon lamang 31 percent.
Mas lumalawak din ang lamang ng Kapamilya Network sa Mega Manila sa audience share na 36 percent laban sa 34 percent ng Kapuso.
Pagdating naman sa Metro Manila, nananatiling balwarte ito ng ABS-CBN sa audience share na 38 percent na mas higit ng anim na puntos sa 32 percent ng GMA 7.
Nakuha ng ABS-CBN ang lahat ng puwesto sa pinagsamang weekday at weekend Top 10 most watched programs para sa Hunyo kung saan numero uno pa rin ang teleseryeng pinagbibidahan ni Andi Eigenmann na “Agua Bendita” sa average rating na 40.3%.
Pumangalawa naman ang “Pilipinas Got Talent,” kung saan hinirang na grand winner ang batanguenong siomai vendor na si Jovit Baldivino, na pumalo ng 37.2% sa pag-ere nito ng Linggo at 36.7% sa pag-ere naman nito ng Sabado na siya ring sumungkit sa ikatlong slot.
Pinakapinapanood pa ring newscast sa bansa ang “TV Patrol World” sa rating na 32.9% laban sa “24 Oras” na nasa ika-22 lamang na may 21.3%.
Ang pinakahihintay naman na “Pinoy Big Brother Teen Edition Clash 2010: Unite at the Big Night” na kumilala sa Fil-Australian teenternational housemate na si James Reid bilang Big Winner, ay pasok rin sa top 10 sa ika-siyam na puwesto sa rating na 27.6%.
Sa pagrampa ng pinakabagong fashion-serye na “Magkaribal” tampok sina Gretchen Barretto at Bea Alonzo, pinatunayan nito na mahigpit din silang karibal pagdating sa ratings ng makuha agad nito ang ika-11 na slot at pumalo sa 27.3% sa unang linggo pa lamang nito.
Kabilang pa sa mga programang pasok sa top 10 ay “Kung Tayo’y Magkakalayo” (34.5%), “Maalaala Mo Kaya” (33.2%), “You Got It (Sunday)” (30.1%), “You Got It (Saturday)” (29.1%), at “Rated K” (27.6%).
Ang Kantar Media/TNS ang nangungunang market research group sa buong mundo na at naghahatid ng audience research measurement systems sa 32 bansa. Nagsimula itong maglabas ng datos para sa national television audience measurement (NUTAM) noong Feb 2009 at may panels, na binubuo ng 1,370 representative households, sa sumasakop sa urban Philippines at nag-uulat sa pitong sektor— NCR, Suburbs, North Luzon, Central Luzon, South Luzon, Visayas at Mindanao.
Lumipat ang ABS-CBN sa Kantar Media/TNS matapos magsampa ang network ng kaso laban sa AGB Nielsen Media Research sa hindi nito pagsunod sa hinihiling na imbestigasyon sa diumano’y pandaraya at pagmamanipula ng datos sa kanilang TV ratings. Nakabinbin pa rin ang kaso sa korte hanggang sa kasalukuyan.
Related Link


