Sa likod ng bawat balita, may mga kuwentong hindi pa nakikita ng mamamayan, mga piraso ng impormasyon na bubuo sa katotohanan.
Ngayong Martes (Oct 26), pasukin natin ang mundo ng mga matapang at masugid na tagapag-ulat ng ABS-CBN sa ‘Patrol ng Pilipino,’ kung saan masisilayan ang buong istorya sa mga balitang may saysay sa bawat Pilipino.
Ang "Patrol ng Pilipino" (PNP) ay isang weekly 45-minute news documentary program na magbibigay ng mas malalim na pag-uulat sa mga balitang nilahad sa "Umagang Kay Ganda,""TV Patrol," and "Bandila."
Bawat Martes, babalikan ng may dalawa o tatlong ABS-CBN reporter ang mga makabuluhang ulat tampok ang mga kuha at panayam na hindi pa naeere, mga behind-the-scene clip ng reporter sa kaniyang pangangalap ng impormasyon at mga bagong anggulo sa isyu.
Sa darating na pilot episode ng "Patrol Ng Pilipino," ibabahagi ni Jorge Cariño ang mga eksena sa kaniyang pagmamatyag sa hagupit ni Bagyong Juan sa Cagayan. Silipin kung paano sinalanta ang probinsya at kung paano sinubukang isalba ng mga residente at awtoridad ang kanilang buhay at kabuhayan.
Si Jeff Canoy naman ay muling bubuksan ang kaniyang ulat sa mga batang minero sa Davao Oriental. Sundan ang kaniyang pag-iimbestiga upang maipakita ang karimarimarim na kalagayan ng mga kabataan at ng kanilang pamilya.
Dahil karapatan mong malaman ang buong katotohanan, ipapakita ng "Patrol ng Pilipino" ang bawat anggulo ng isyu, bibigyan ng mukha ng mga datos, at ilalantad ang damdamin sa likod ng mga balita. Abangan ang "Patrol ng Pilipino" ngayong Martes (Oct 26) pagkatapos ng "Bandila" sa ABS-CBN."