News Releases

English | Tagalog

Buong lakas na Celtics, bagong Lakers, bubuksan ang 2018 NBA season sa ABS-CBN S+A

October 16, 2018 AT 11:26 AM

Healthy Celtics, new-look Lakers, open 2018 NBA Season on ABS-CBN S+A

The NBA returns to ABS-CBN and S+A starting off with the Philadelphia 76ers and Boston Celtics match-up!

Aasahan ng mga manonood ang mainit na aksyon sa pagbubukas ng bagong season ng pinakasikat na liga ng basketball sa buong mundo sa ABS-CBN at S+A tampok ang ilang koponan na nagpalakas noong offseason.
 
Magsisimula na muli ang “NBA On ABS-CBN” ngayong Miyerkules (Oktubre 17), LIVE sa S+A ng 8 am sa banggaan ng Philadelphia 76ers ni Joel Embiid kontra Boston Celtics na makakasama na ang  kanilang All-Stars na sina Kyrie Irving at Gordon Hayward, na parehong nagtamo ng injury noong nakaraang taon.
 
Samantala, hindi na makapaghintay ang Pinoy fans ng Los Angeles Lakers dahil makikita na rin nilang maglaro para sa kanilang koponan ang pinakamalaking isdang nabingwit nila: si LeBron James. Makakasama ng tinaguriang “King” ang mga batang manlalarong tulad nina Lonzo Ball, Brandon Ingram, at Kyle Kuzma para ibalik ang Lakers sa mapa ng kampeonato na magsisimula kontra Portland Trailblazers nina Damian Lillard at CJ McCollum sa darating na Biyernes (Oktubre 19) LIVE ng 10:30 am.
 
Magbabalik naman ang Boston Celtics sa ABS-CBN at S+A sa katapusan ng linggo para harapin ang Toronto Raptors at New York Knicks. Haharapin nina Kyrie Irving ang bagong superstar ng Raptors na si Kawhi Leonard sa Sabado (Oktubre 20) sa “NBA SabaDos” sa ABS-CBN. Kinabukasan naman (Oktubre 21), makakalaban nila ang New York Knicks na ibabandera ang kanilang ninth-overall pick sa nakaraang draft na si Kevin Knox sa Madison Square Garden ng LIVE sa S+A ng 7:30 am.
 
Sa Lunes, matutunghayan ng NBA fans sa bansa ang pagbabalik-aksyon ng Western Conference finalist na Houston Rockets kontra sa Los Angeles Clippers, LIVE ng 9 am sa S+A. Si Tobias Harris ang mangunguna sa Clippers, habang patuloy na aasahan ng Rockets ang mga All-Stars na sina James Harden at Chris Paul at inaabangan din kung ano ang maiaambag sa kanila ng kapwa All-Star na si Carmelo Anthony.
 
Huwag palampasin ang mainit na pagbabalik ng NBA sa S+A sa pagitan ng Philadelphia 76ers at Boston Celtics sa Miyerkules (Oktubre 17) LIVE sa S+A ng 8 am. Sa Biyernes (Oktubre 19), sasabak ang LA Lakers kontra Portland Trailblazers ng LIVE sa S+A ng 10:30 am. Lilipat naman sa ABS-CBN para sa “NBA SabaDos” sa paghaharap ng Boston at Toronto Raptors ng Sabado (Oktubre 20) ng 8:30 am. Samantala, magtatapos naman ang opening weekend sa labang Boston-New York sa Linggo (Oktubre 21) LIVE ng 7:30 am, at Houston Rockets-Los Angeles Clippers ng Lunes (Oktubre 22), LIVE ng 9 am.
 
Para sa balita at karagdagang impormasyon, bumisita sa sports.abs-cbn.com at sundan ang @ABSCBNSports sa Facebook at Twitter. Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Instagram, at Twitter o bisitahin ang www.abscbnpr.com.