News Releases

English | Tagalog

Vivoree paiiralin ang busilak na puso sa “Wansapanataym”

October 19, 2018 AT 04:59 PM

Matutunghayan ang kabusilakan ng puso ni Monica (Vivoree Esclito) ngayong muli niyang patutuluyin si Ken, na isinumpa na maging manikin, sa kanilang tahanan sa “Wansapanataym Presents: ManiKEN ni Monica” ngayong Linggo (Oktubre 21).

Papairalin ni Monica ang kabutihan sa pagkukumbinsi sa inang si Amy (Tess Antonio), ngunit kumbinsido itong magdadala ang binata ng kapahamakan sa kanilang pamilya. Dahil sa takot na sila naman ang isumpa ng tailor master, itatapon ni Amy si Ken habang siya ay anyong manikin pa na dahilan naman ng pansamantalang pagkawala nito.

Magpapalaboy-laboy sa lansangan ang binata at hindi sinasadyang makikita ang kanyang magulang na masaya kahit wala siya sa kanilang piling at magdudulot sa kanya ng kalungkutan.

Sa kawalan ng pag-asa, muling susubukan ni Ken na manuluyan kina Monica, pero hahadlang ang ina ng dalaga dahil sa panganib na maaaring dalhin ng isinumpang binata. Ngunit hindi naman hahayaan ni Monica ito, at ipapaalam sa ina kung gaano kabuting tao si Ken at paano siya nito tinulungan na ilabas ang kanyang tunay na ganda.

Maging sapat nga kaya kabusilakan ng puso ni Monica para matulungan si Ken?

Panoorin ang “Wansapanataym Presents: ManiKEN ni Monica” sa ABS-CBN at ABS-CBN HD. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.