News Releases

English | Tagalog

"Glorious" trailer nina Angel at Tony para sa iWant, naka-6M views na, pinainit ang social media

November 05, 2018 AT 02:18 PM

Kasing-init ng mga naglalagablab na eksena nina Angel Aquino at Tony Labrusca sa “Glorious” ang naging pagtanggap at reaksyon ng netizens sa full trailer ng original movie na ekslusibong mapapanood ngayong buwan sa iWant, ang bagong streaming service ng ABS-CBN.
 
Isang araw matapos itong ilabas online, tumabo na ng higit sa anim na milyong views ang trailer ng pelikulang ipinrodus ng Dreamscape Digital tungkol sa 52 taong gulang na babaeng si Glory (Angel) na mahuhulog ang loob sa lalaking 30 taon ang agwat sa kanya – si Niko (Tony). Dahil sa pagmamahal sa isa’t isa, pipiliting panindigan ng dalawa ang kanilang relasyon sa kabila ng panghuhusga ng mga tao sa kanila.
 
Tampok ang mapupusok na eksena ng mga bida nito, naging viral ang trailer at nag-trend din sa Twitter ang parehong mga pangalan nina Angel at Tony. Umani rin ito ng masisigasig na reaksyon mula sa netizens at celebrities, kabilang na ang Broadway diva na si Lea Salonga. 
 
Ani Lea sa Facebook post niya, “So, I just saw the sexiest movie trailer I've seen in a long time (it's reached over 1M views in the last 3 hours, so far). But, beyond the love scenes its protagonists do, allow it to begin a conversation about seeing older women and younger men on screen. Given how utterly beautiful both Angel Aquino and Tony Labrusca are, I am all for it, and wish for their movie Glorious to be a massive hit.”
 
Ang “Glorious” ay isinulat at idinirek ni Concepcion Macatuno at ipinrodus naman ng Dreamscape Digital. Ekslusibo itong mapapanood sa bagong iWant, sa pamamagitan ng iOS o Android app simula ngayong Nobyembre 17, 2018.
 
Sa bagong iWant, maaaring i-stream nang libre ng users sa loob ng bansa ang original films at series, mga luma at bagong Kapamilya shows, mga pelikula, mga awitin, restored films, at live concerts.

Para sa karagdagang updates, i-like ang www.facebook.com/iWant, at sundan ang @iwant sa Twitter at @iwantofficial at @dreamscapedigital sa Instagram, at www.youtube.com/iWantPH sa YouTube.