News Releases

English | Tagalog

Julia at Paulo magsasagupaan na sa "Asintado"

April 18, 2018 AT 02:18 PM

Mapapalitan na ang pag-ibig ng poot at galit dahil nakatakda nang magharap ang dating magkasintahang sina Ana (Julia Montes) at Gael (Paulo Avelino) upang pabagsakin ang isa’t-isa sa Kapamilya hapon seryeng “Asintado.”

Paghihiganti nga ang manunuot sa puso nina Ana at Gael dahil hindi papipigil si Ana sa pagsiwalat nito sa lahat ng katiwaliang ginawa sa kanya ng mga Del Mundo, samantalang sisiguraduhin naman ni Gael na mabubulok ang dating nobya sa kulungan para sa pinsalang ginawa nito sa kanyang pamilya.

Ngunit makakaungos ng isang hakbang sa paghihiganti si Ana matapos ma-record ni Yvonne (Louise Delos Reyes) ang pag-amin ng taong bumaril sa ama ni Ana na pinilit lamang siya ni Salvador (Nonie Buencamino) na akuhin ang krimen, kapalit ng pera at marangyang buhay para sa pamilya nito.

Saan nga ba hahantong ang tapatan nina Ana at Gael?

Samantala, patuloy ngang kinakapitan ng mga manonood ang maiinit na eksena ng “Asintado” kaya naman hindi ito natitinag sa national TV ratings. Noong Lunes (Abril 16), nakakuha ang serye ng national TV rating na 15.1%, kumpara sa “Stepdaughters” na mayroon lamang 13.1%, ayon sa datos ng Kantar Media. Nagpatuloy din ang pamamayagpag nito noong Martes (Abril 17) matapos magkamit ang serye ng 15.6%, laban sa katapat nito na nakapagtala lamang ng 12.1%.

Panoorin ang maaaksyong kaganapan sa “Asintado” tuwing hapon sa Kapamilya Gold sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE