News Releases

English | Tagalog

Elisse, BoybandPH kakikiligan sa unang pagsasama sa "Wansapanataym"

May 17, 2018 AT 03:33 PM

Mapupuno ng aral at musika ang telebisyon sa pagsasama sa unang pagkakataon ni Elisse Joson at ng BoybandPH sa pagbida nila sa “Wansapanataym Presents: Ofishially Yours” simula ngayong Linggo (Mayo 19).

Gagampanan ni Elisse si Stella, isang dalagang tinitingala para sa kanyang ganda ngunit kinaiinisan naman dahil sa kanyang ugali. 

Ayon kay Elisse, isang malaking pagkakataon ang bumida sa programang kanyang kinalakihan at sinubaybayan simula pagkabata.

“Fan po talaga ako ng ‘Wansapanataym.’ Bata pa lang po ako pinapanood ko na po talaga. Sana po magustuhan ninyo itong character ko at marami kayong mapulot na aral at kwento,” sabi ng Kapamilya actress.

Sa kwento ng serye, magkukrus ang landas ng karakter niya at ni Jason (Joao Constancia), ang lider ng bandang Darker Than Black, na regular performer sa club na pagmamay-ari ng dalaga. Ngunit dahil sa hindi pagkakasundo, nagpasya ang bandang umalis sa club, na nakaapekto sa kita ng negosyo ni Stella.

Para naman makumbinseng bumalik ang banda, paiibigin ni Stella si Jason gamit ang kanyang ganda, ngunit mabubuko ito ng binata. Sa matinding galit, hihilingin ni Jason na mawala sa buhay niya si Stella, at didinggin ito ng isang diwata na kahahantungan sa pagiging isang sirena ng dalaga.

Paano nga kaya makakabalik si Stella sa kanyang dating anyo?

Samantala, masaya ang miyembro ng BoybandPH at maging si Elisse para sa pagkakataong ibinigay sa kanila na magbida sa kanilang sariling serye. 

“Isang grupo kami, so sabay-sabay kami (sa pag-angat). Nakakatuwa and sobrang excited kami na ipakita sa lahat ng mga tao yung serye na ‘to,” sabi ni Joao. “Alam na nila na kumakanta kami, sumasayaw kami, at dito makikita nila sabay-sabay namin gagawin ‘yun nang umaarte rin,” dagdag naman ng isa pang miyembro ng BoybandPH na si Tristan Ramirez.

Kasama rin sa “Wansapanataym Presents: Ofishially Yours” sina Janice de Belen, Ria Atayde, Jeric Raval, Russell Reyes, Niel Murillo, Ford Valencia, at Nico Antonio. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Jon Villarin.

Panoorin ang mga eksenang kapupulutan ng aral sa “Wansapanataym Presents: Ofishially Yours” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com. 
 

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE