News Releases

English | Tagalog

TNT Boys ng "Your Face," pinuri mismo ng Bee Gees at foreign online sites

May 28, 2018 AT 03:25 PM

Matapos mapansin ng mismong American group na Bee Gees ang panggagaya ng TNT Boys, nakamit ng Bigshot Trio ang kanilang kauna-unahang panalo sa “Your Face Sounds Familiar Kids” para sa kanilang transformation sa girl group na Destiny’s Child noong weekend.

Gumawa muli ng ingay ang TNT Boys sa international scene nang mag-post sa official Twitter account ng Bee Gees ang “Imitation truly is the sincerest form of flattery! Thank you #TNTBoys @YourFacePH for your rendition of ‘Too Much Heaven.’”

Papuri rin ang inilathala ng international online sites na pickle.nine.com.au ng Australia, smoothradio.com mula Great Britain, at 957bigfm.iheart.com ng USA para sa nakabibilib na impersonation nila.

Kasalukuyan na ngang umabot sa 4.4 million views ang performance nina Mackie Empuerto, Francis Concepcion, at Kiefer Sanchez ng “Too Much Heaven.” Ilang reactors na rin sa YouTube ang ang bumilib sa rendition nila ng awitin dahil na rin sa plakadong panggagaya nila sa boses at itsura ng 70s band.

Ngunit bukod sa impersonation nila ng Bee Gees, pumalo na rin sa ilang milyong views ang performances nila bilang Apo Hiking Society (1.6 million) at Salbakuta (2.2 million).

Sa unang pagkakataon naman, nakuha na ng TNT Boys ang kampeonato sa pagbirit at pag-indak nila bilang Destiny’s Child noong Sabado (May 26) matapos nilang awitin ang “Survivor.” 

“Ang ganda-ganda niyong tatlo. Ang galing-galing niyong tatlo. Grabe pinapasaya niyo kaming lahat, lalo ako.
Baon ko kayo buong linggo, thank you so much,” sabi ng huradong si Sharon Cuneta.

“Ang nagdala talaga ng performance niyo ay nag-enjoy kayo. ‘Yung buong puso niyo nakabuhos doon sa performance niyo. That was outstanding,” papuri naman ni Nyoy Volante.
Bukod sa cash prize, nag-abot din ng tulong ang TNT Boys sa chosen charity nila na House of Refuge na pinagkalooban ng P50,000 worth of toys.

Inabangan nga ang “Your Face Sounds Familiar Kids” noong weekend sa buong bansa matapos nitong magkamit ng national TV rating na 32% noong Sabado (May 26), laban sa 17.8% ng “Pepito Manaloto,” ayon sa datos ng Kantar Media. Nagpatuloy din ang panalo nito noong Linggo (May 27) sa pagtala nito ng 32.2%, kumpara sa “Lip Sync Battle Philippines” (16.5%).

Panoorin ang sorpresang hatid ng cute transformations sa “Your Face Sounds Familiar Kids” tuwing Sabado at Linggo sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.