News Releases

English | Tagalog

Pagbabalik ng "Precious Hearts Romances presents Araw Gabi," mainit na sinalubong nationwide

May 03, 2018 AT 05:58 PM

Kasing-init ng pagbubukas ng pinakabagong serye ng ABS-CBN na “Precious Hearts Romances presents Araw Gabi” ang init ng pagsalubong ng mga manonood sa unang episode nito noong Lunes (Abril 30).

Base sa datos mula sa Kantar Media, pumalo ang serye sa national TV rating na 15.7%, kumpara sa kalaban nitong programa na nakakuha ng 13.5%.

Trending topic din ito nationwide sa hashtag na #ArawGabiPagsibol kung saan ibinahagi ng netizens ang kanilang tuwa sa muling pagbubukas ng mga pahina ng “Precious Hearts Romances” series,  comeback ni JM De Guzman sa telebisyon, at unang sabak bilang leading lady ni Barbie Imperial.

“Parang mala-fifty shades itong Araw Gabi ha. In fairness,” para kay @CruellaAnGelle.

“Romantic comedy pala ito. Laugh trip agad first day pa lang. Aabangan ko na talaga to araw-araw,” komento ni @maymayhona.

“Super kilig ako sa chemistry ng JuanBie kanina at ang cute din umacting ni @barbieeimperial mukhang natural lang. Bukas ulit!,” ani ni @jemaganda.

Napabilib naman ni JM ang Twitter user na si @shaigonzalesss, “Walang kupas ang galing mag-deliver ng linya ni JM. Ramdam na ramdam mo bawat salitang binibitiwan nya.”

Sa naturang episode, ipinasilip na ang magkaibang buhay ng masayahing advertising manager na si Mich (Barbie) at ang kinakatakutang boss na si Adrian (JM). Sa unang pagtatagpo ng dalawa, isang hindi pagkakaunawaan agad ang nabuo sa kanila. Muli naman silang pinagtagpo ng tadhana nang malaman ni Mich na si Adrian pala ang may-ari ng account niyang Tranquila resort. Mas lumaki pa ang hidwaan nila nang tanggihan ni Adrian ang pitch ni Mich.

Hindi naman pinanghinaan ng loob ang dalaga sa pagtanggi ni Adrian at pinuntahan pa ang El Paraiso para pagandahin pa ang kanyang presentation.

Ano kaya ang naghihintay kay Mich sa El Paraiso? Ano rin kaya ang matutuklasan niya tungkol kay Adrian?

Huwag palalampasin ang “Precious Hearts Romances presents Araw Gabi” pagkatapos ng “Asintado”  sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.

Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.