News Releases

English | Tagalog

Viral sensation trio, magsasapawan nga ba sa "Your Face Sounds Familiar Kids?"

May 04, 2018 AT 04:28 PM

Kilala sa sindakan at taasan ng boses ang TNT Boys na sina Francis, Mackie, at Keifer, at kaakibat ng kanilang galing ang isyu ng sapawan.
Dadalhin na nga ba nila ang engrandeng vocal showdown nila sa “Your Face Sounds Familiar Kids,” na magsisimula ngayong Sabado (Mayo 5) at Linggo (Mayo 6)?
“Sa aming tatlo kailangan naming magpakiramdaman at kumilos bilang isa. “Walang sapawan,” tugon ni Francis. Aminado rin ang tatlo na challenge ang maging isang grupo at pagmukhaing buo ang kanilang performance.
Umani kamakailan ng papuri ang tatlo para sa kanilang kahanga-hangang performance sa “Little Big Shots” UK at US, na pumukaw din ng pansin maging ng mga banyaga. Para naman sa pilot episode ng “Your Face Sounds Familiar Kids,” ibabalik ng “Bigshot Trio” ang disco sa pagbibihis nila bilang ang American band na Bee Gees.
Ngunit bukod sa kanila, dapat ding abangan ang sorpresang hatid ng iba pang Kapamilya child stars sa pag-impersonate ng music icons na minahal ng mga Pinoy.
Gaganap bilang ang kanyang idolo na si Sarah Geronimo si Sheena Belarmino, na dati ring finalist ng “Tawag ng Tanghalan.” “Kailangang makapal ang mukha kung nandoon na sa TV, kasi mahiyain ako,” pagbabahagi ni Sheena ng kanyang natutunan.
Hindi rin naman magpapahuli si Marco Masa bilang Bruno Mars, Chun Sa bilang Meghan Trainor, Onyok Pineda bilang Bamboo, Esang De Torre bilang Lady Gaga, Krystal Brimner bilang Miley Cyrus, at Noel Comi Jr. bilang Michael Jackson.
Kasama rin sa nagbabalik sa “Your Face Sounds Familiar Kids” ang host nitong si Billy Crawford at jurors na sina Mr. Pure Energy Gary Valenciano, Multiplatinum Singer and Songwriter na si Ogie Alcasid, at ang nag-iisang Megastar na si Sharon Cuneta. Kakampi rin ng mga kiddie performer ang celebrity mentors na sina Jed Madela at Nyoy Volante.
Huwag palampasin ang pagsisimula ng sa “Your Face Sounds Familiar Kids” ngayong Mayo 5 at 6 sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/yourfaceph, at sundan ang @YourFacePH sa Twitter at Instagram.