News Releases

English | Tagalog

Erich, makikipagtuos na sa kakambal sa “The Blood Sisters”

June 05, 2018 AT 02:07 PM

Wala nang makakapigil pa sa naglalagablab na galit ni Erika (Erich Gonzales) dahil handa na siyang makipagtapatan sa kakambal niyang si Agatha upang mabawi ang kanyang anak at maisiwalat ang lahat ng pagtataksil ng kapatid sa “The Blood Sisters.”

Muli na ngang nagkrus ang landas nina Agatha at Erika matapos dumalaw ang una sa burol ng anak ng huli. Ngunit hindi tinaggap ni Erika ang pakikiramay ni Agatha at buong tapang na kinompronta ang kapatid para sa matagal nitong pagtatago at posibleng pakikipagsabwatan niya sa Paraiso, ang grupong dumukot sa anak ni Erika.

Pero sa kabila nito, nagawa pa rin ni Agatha na paikutin ang lahat sa pagkukunwaring may malasakit siya sa pagkawala ng pamangkin at panunumbat na isinakripisyo niya rin ang sarili para sa kanyang pamilya.

Kahit naman unti-unti nang nagkakaroon ng kutob si Erika sa koneksyon niya sa Paraiso, tuloy pa rin si Agatha sa pagtatrabaho niya sa sindikato upang makuha ang kayamanan nito. Makakasama pa nito si Rocco (Jake Cuenca) na gusto ring maangkin ang yaman ng Paraiso.

Ngunit patuloy naman ang paniniwala ni Erika na buhay pa ang anak niya, at sisiguraduhing mananagot ang may sala sa pagkawala nito, kahit pa ang sarili niya itong kapatid.

Muli pa nga kayang makasama ni Erika ang kanyang anak?

Gabi-gabing subaybayan ang “The Blood Sisters” sa ABS-CBN Primetime Bida. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE