News Releases

English | Tagalog

TNT Boys, patuloy ang paghakot ng awards, sasabak sa international talent show na "The World's Best"

January 23, 2019 AT 02:44 PM

TNT Boys bags awards, officially joins international talent show "The World's Best"

The unstoppable rise of TNT Boys continues as they opened 2019 with more recognitions under their belt and will represent the country in the international talent show “The World’s Best,” which airs soon on US TV network CBS.

Simula pa lang ng taon ngunit hindi na nagpapaawat ang TNT Boys sa pagtanggap ng kaliwa’t kanang parangal at pagtaas ng bandera ng bansa sa pagsabak nila sa international talent show na “The World’s Best” na malapit nang mapanood sa US.
 
Ilang linggo matapos pumasok ang Enero, muli na namang gumawa ng ingay ang bigshot trio sa pagtanggap nila ng “Breaking Boundaries” award mula sa ikatlong Wish 107.5 Music Awards para sa kanilang kabilib-bilib na talento at trending performances sa iba’t ibang international TV shows na hinangaan sa buong mundo.
 
Nakuha rin ng grupo nina Mackie Empuerto, Keifer Sanchez, at Francis Concepcion ang Push Music Performance of the Year sa kakatapos lang na Push Awards para sa kanilang viral performance ng “Too Much Heaven” ng Bee Gees sa “Your Face Sounds Familiar Kids.”
 

Bukod sa mga parangal, muli namang kikilalanin ang talento ng TNT Boys sa international stage sa nalalapit na pag-uumpisa ng international talent competition na “The World’s Best,” kung saan makikipagsabayan sila sa pinakamagagaling na artists mula sa iba’t ibang larangan at panig ng mundo.
 
Inilabas na kamakailan ang trailer para sa naturang show na pangungunahan ng Tony Award-winning actor at host na si James Corden, kasama ang mga huradong kinabibilangan ng Hollywood A-lister na si Drew Barrymore, Grammy-winning artist na si Faith Hill, at drag queen superstar na si RuPaul.
 
Mula nga nang mabuo ang grupo ng TNT Boys noong 2017, matinding galing sa pag-awit ang kanilang ipinamalas na nagdala sa kanila sa iba’t-ibang panig ng mundo, kabilang na sa “Little Big Shots” UK, US, at Australia. Sila rin ang itinanghal na grand winner ng ikalawang season ng “Your Face Sounds Familiar Kids.”
 
Noong Nobyembre naman, matagumpay nilang itinanghal ang kanilang sold-out na major solo concert sa Araneta Colisuem na nagluklok sa kanila bilang pinakabatang artists na na-sold out ang major concert, hindi lang sa makasaysayang Araneta Coliseum, kundi sa buong bansa. Linggo-linggo rin silang napapanood sa “ASAP Natin ‘To” at nag-release ng kanilang Christmas album na “TNT Boys Christmastime” sa ilalim ng TNT Records.