News Releases

English | Tagalog

Rio at Gillian magkasamang kakayanin ang bigat ng mga pagsubok sa "Kargo" ng iWant

October 11, 2019 AT 08:13 PM

Kilala si Rio Locsin sa pagganap bilang butihing ina sa mga serye at pelikula, pero ngayon ay makapagil-hiningang aksyon ang handog ng batikang aktres sa pakikipaghabulan, taguan, at barilan niya sa mga sindikato kasama ang breakout “Eerie” star na si Gillian Vicencio sa original series ng iWant na “Kargo.”
 
Inilunsad sa iWant app noong Biyernes (Oktubre 11) ang unang Star Creatives digital series kung saan gumaganap si Rio bilang Lola Tere, isang astiging taxi driver na hinahanap ang lumayas niyang apo na si Hannah (Gillian).
 
Mangyayari ang hiling ni Lola Tere na muli silang magkasama ni Hannah, ngunit ang hindi niya alam ay may malagim itong kapalit: kailangan niyang tulungan ang apo na itapon ang bangkay ng karelasyon nitong si Prinz upang makaligtas mula sa kamay ng mga sindikatong tumutugis sa kanya.
 
Dito mag-uumpisa ang kanilang laban para sa kaligtasan mula sa mga kriminal na gagawin ang lahat para mapatay ang dalawa. Pilit naman silang tutulungan ni Reyven (Markus Patterson), ang bagong karelasyon ni Hannah, para makaiwas sa kapahamakan.
 
Sa kabila ng panganib, patutunayan ni Lola Tere ang kanyang pagmamahal sa apo at gagawin ang lahat upang siguraduhing ligtas ito. Ngunit mas malaking problema pa ang kanilang haharapin sa unti-unting pagsiwalat ng mga sekreto ng nakaraan na tuluyang babago sa kanilang pamilya.
 
Makaligtas kaya sila mula sa kapahamakan nang magkasama?
 
Ang original digital series ay sa ilalim ng direksyon ni Julius Alfonso.
 
Naglalaman ng pinakamaraming Filipino video content, ang iWant ay kabilang sa digital initiatives ng ABS-CBN na nagpapatunay sa patuloy nitong pag-transition bilang isang digital company dahil sa patuloy na paglawak ng online presence nito at pagdami ng digital properties.
 
Panoorin ang “Kargo” sa iWant app o sa iwant.ph. Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWant, sundan at i-follow ang @iwant sa Twitter at @iwantofficial, at mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantPH.