News Releases

English | Tagalog

OpenAir Cinema One, nagbabalik bitbit ang "Fantastica" at "Alone/Together"

November 27, 2019 AT 01:36 PM

OpenAir Cinema One returns with "Fantastica" and "Alone/Together"

Enjoy a fun bonding time with your family and friends at OpenAir Cinema One this Saturday (Dec. 7) at Evoliving Grounds in Nuvali.

May bagong hatid na kaabang-abang na event ang Cinema One para sa mga mahihilig sa pelikula sa pagbabalik ng outdoor movie screening na OpenAir Cinema One, kung saan libreng mapapanood ang mga pelikulang "Fantastica" at "Alone/Together" ngayong Disyembre 7 (Sabado) sa Evoliving Grounds, Nuvali.
 
Siguradong masayang bonding para sa mga pamilya at magkakaibigan ang musika at mga pelikulang hatid ng Cinema One at Nuvali Night Sky Cinema mula umaga hanggang gabi bilang maagang handog ngayong Pasko.
 
Tumawa kasama ang pamilya habang nanonood ng "Fantastica" ni Vice Ganda, na tungkol sa pagsalba ng isang may-ari ng perya sa kanilang negosyo sa pamamagitan ng paghahanap sa tatlong prinsesa.
 
Samantala, mapapayakap naman ang mga manonood sa kanilang mga kasintahan dahil sa magaling na pagganap nina Liza Soberano at Enrique Gil sa "Alone/Together," na tatalakay sa tanong na: Dapat bang balikan ang isang relasyon na matagal nang nagtapos?
 
Dagdag-saya rin ang hatid ng host na si KaladKaren pati na ng bandang UDD na aawit ng mga walang-kupas nilang kanta gaya ng "Oo," "Tadhana" at "Kapit," na theme song ng pelikulang "Alone/Together."
 
Ang OpenAir Cinema One ay isa lang sa mga sorpresang handog ng premier cable channel para madala ang kakaibang karanasan ng panonood ng mga pelikula sa pamamagitan ng mga event na magpapalapit sa mga pamilya at magkakaibigan. Sa paglipas ng mga taon, dinala nito ang mga pelikula ng ABS-CBN Films na tumabo sa takilya sa labas ng sinehan, para makapagbigay ng saya at magagandang alaala sa libu-libong manonood.
 
Umpisahan na ang kapaskuhan sa pamamagitan ng libreng mga pelikula at musika na hatid ng OpenAir Cinema One ngayong Disyembre 7 (Sabado) sa Evoliving Grounds, Nuvali! Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom