News Releases

English | Tagalog

ARJO AT CARLO, MAGTUTUOS SA BAGONG SEASON NG “BAGMAN” NG iWANT

November 09, 2019 AT 04:33 PM

Arjo and Carlo clash as new season of iWant's “Bagman” raises the stakes

Pinuring socio-political digital series, mas maaksyon at mapangahas ang pagbabalik!

Matitira ang mas matibay kina Arjo Atayde at Carlo Aquino sa paghaharap nila para lamangan ang isa't isa sa bagong season ng socio-political series na “Bagman,” na mapapanood na sa iWant simula ngayong Nobyembre 13 (Huwebes).
 
Nagbabalik ang “Bagman” matapos mapanood ang unang yugto nito na pinuri ng maraming manonood at netizens para sa makatotohanan at matapang na paglalahad nito ng kalagayan ng lipunan.
 
Tampok sa “Bagman” hindi lang ang mapangahas na pagsusuri sa mundo ng pulitika at katiwalian ngunit ang pagsasalpukan ng dalawa sa aktingan ng pinakapinupuring aktor ng kanilang henerasyon.
 
Nananatiling palaban si Arjo sa serye bilang si Gov. Benjo Malaya, ang dating barberong umangat sa mundo ng pulitika at katiwalian, hanggang sa mag-agaw-buhay siya matapos subukang paslangin sa pagtatapos ng unang season.
 
Dahil nakaligtas mula sa kamatayan, mangangako si Benjo na gagawin ang lahat para makapaghiganti sa mastermind sa likod ng pagtatangka sa kanyang buhay, pati na ang hitman na bumaril sa kanya -- si Emman (Carlo).
 
Samantala, haharapin naman ni Emman (Carlo) ang kapalit ng pagkabigo niyang patayin ang gobernador at papatunayang karapat-dapat siyang pagkatiwalaang muli. Sasailalim siya sa misyong tapusin ang buhay ni Benjo sa ilalim ng bago niyang boss na si Rep. Ricardo Matias (Romnick Sarmenta).
 
Sa madalas na pagtagpo ng mga landas nina Benjo at Emman sa ginagalawang mundo ng kasamaan at kasakiman, unti-unting makikilala ni Benjo ang tunay na katauhan ng nagbanta sa kanyang buhay.
 
Ngunit hanggang saan sila dadalhin ng kanilang mga plano? Tuluyan na ba silang lalamunin ng sistema, kahit pa madamay ang mga mahal nila sa buhay?
 
Ang eight-part series na ito ay isinulat at idinirek ni Shugo Praico, nilikha nina Lino Cayetano, Philip King, at Shugo, at ipinrodus ng Dreamscape Entertainment at Rein Entertainment.
 
Kabilang din sa cast ng “Bagman” sina Irma Adlawan, Rez Cortez, Joel Saracho, Mon Confiado, Rollie Inocencio, Menggie Cobarrubias, Chanel Latorre, and Rosanna Roces.
 
Mapapanood nang libre sa iWant ang bagong season nito simula Nobyembre 13.
 
Sundan ang pagsuong nina Arjo at Carlo sa mundo ng katiwalian sa “Bagman” sa iWant app (iOs at Android) o sa iwant.ph. Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWant, sundan ang follow @iwant sa Twitter at @iwantofficial at @dreamscapedigital sa Instagram, o mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantPH.