News Releases

English | Tagalog

Maja, Geoff, Janella, at Joshua sama-samang lalaban para sa kanilang buhay sa pagtatapos ng "The Killer Bride"

December 14, 2019 AT 07:49 PM

Simula na ng pinakamatinding laban nina Camila (Maja Salvador), Vito (Geoff Eigenmann), Emma (Janella Salvador), at Elias (Joshua Garcia)  para sa kanilang buhay ngayong nabunyag nang si Alice (Precious Lara Quigaman) at ang killer groom ay iisa, dahilan para sama-sama nilang patumbahin ang kinakatakutang kalaban sa nalalapit na pagtatapos ng “The Killer Bride.”

Tuluyan nang natuldukan ang spekulasyon ng mga manonood noong Biyernes (Disyembre 13) sa paglitaw ni Alice bilang ang killer groom na walang habas na pumatay ng mga inosenteng tao sa Las Espadas. Pero ang pagkakabulgar ng kanyang pagkatao ay hindi makakapigil sa masasama niyang plano, lalo na sa paghihiganti niya laban kay Camila.

Kaninong buhay nga kaya ang susunod na malalagay sa peligro?

Samantala, mas marami pang karumaldumal at kontrobersyal na krimen sa Las Espadas ang mauungkat dahil napapanood na ngayon ang extended version ng serye na “The Killer Bride: Killer Cuts” sa iWant.

Matutunghayan sa “The Killer Bride: Killer Cuts” ang unrated at uncensored na mga eksena ng primetime serye na magbubunyag sa mga sekretong pilit gumugulo sa isipan ng mga manonood at magdadala sa kanila sa malagim na huling sandali ng mga karakter sa serye.

Dapat ding abangan ang paglipad ng sky lanterns sa palabas dahil sa bawat paglipad nito, isang buhay ang mawawala. Ito rin ang simbolong dapat tutukan ng mga manonood sa pagpunta nila sa iWant dahil ang episodes na may logo ng sky lantern ang naglalaman ng “Killer Cuts.”

Bagama’t nalalapit na ang pagtatapos, patuloy pa ring namamayagpag sa ere ang “The Killer Bride” at nangunguna sa national TV ratings tuwing gabi. Kamakailan ay nagkamit ito ng all-time high national TV rating na 25.6%, ayon sa datos ng Kantar Media, patunay sa masugid na pagsubaybay ng mga manonood sa buong bansa.

Panoorin ang “The Killer Bride” gabi-gabi sa ABS-CBN. Para sa karagdagang impormasyon, i-follow lang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).