News Releases

English | Tagalog

MARK MICHAEL, WAGI BILANG “TAWAG NG TANGHALAN” GRAND RESBAK CHAMPION

December 21, 2019 AT 07:43 PM

Matapos ang higit isang buwan ng labanan, nanaig sa palakasan ng kantahan at itinanghal na grand resbak champion ang R&B charmer na si Mark Michael Garcia sa huling tapatan ng “Tawag ng Tanghalan" All-Star Grand Resbak sa “It’s Showtime” noong Sabado (Disyembre 21).
 
Nakakuha si Mark Michael ng total combined average score na 54.24% mula sa pinagsamang public votes at hurado scores at tinalo si Jex de Castro na nakakuha ng 45.76%.
 
Bilang grand champion, panalo si Mark Michael ng P300,000 (tax free), business franchise mula sa Potato Giant, recording contract mula sa TNT Records, management contract mula sa ABS-CBN, at isang tropeo na nilikha ng renowned Filipino visual artist na si Toym Imao.
 
Sa huling tapatan, nakakuha ng standing ovation si Mark Michael mula sa mga hurado at madlang people matapos niyang mag-perform ng medley ng Chicago hits na “You’re the Inspiration,” “Hard to Say I’m Sorry,” at “Glory of Love.”
 
Isang Year 3 grand finalist at Year 2 semifinalist, nanaig si Mark Michael sa Grand Resbak edition, kung saan muling nagsalpukan ang iba't ibang contenders mula sa tatlong taon ng kumpetisyon.
 
Samantala, malaking pasabog din ang hatid ng “Tawag ng Tanghalan” sa bagong taon dahil sisimulan na nito ang ikaapat nitong taon sa “It’s Showtime” ngayong Enero.
 
Panoorin ang “It’s Showtime” mula Lunes hanggang Sabado ng tanghali sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (Sky Cable ch 167). Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Twitter, Instagram, at Facebook at bisitahin ang abscbnpr.com. Para naman mapanood ang episodes ng programa, mag-download ng iWant app (iOs at Andoid) o mag-register sa iwant.ph.