News Releases

English | Tagalog

UAAP Football, eere na sa ABS-CBN S+A

February 21, 2019 AT 12:11 PM

UAAP Football kicks off on ABS-CBN S+A

UAAP Football is back and better than ever!

Oras na para bumida ang mga pusong palaban sa football field sa pagbubukas ng live broadcast ng ABS-CBN S+A sa UAAP Football Tournament simula Huwebes (Pebrero 21) mulas sa football field ng Moro Lorenzo sa Ateneo.
 
Magsisilbing pampagana ang laban ng University of the East (UE) Red Warriors kontra Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Booters ng 1 pm kasunod ang Finals ng UAAP Football Juniors division sa pagitan ng NU-Nazareth School Bullpups laban sa mga kampeon na FEU Baby Tamaraws ng 3 pm.
 
Napanood ang unang mga laban sa UAAP Football season noong Pebrero 17 sa iWant at sports.abs-cbn.com, habang ipinalabas ang mga laro sa hapon sa LIGA. Ngunit, simula ngayong Huwebes (Pebrero 21), mapapanood na ang sagupaan sa men’s seniors level na naka-schedule ng hapon sa lahat ng plataporma ng ABS-CBN Sports mula S+A sa free TV, S+A HD, LIGA, and LIGA HD sa cable TV, at iWant at sports.abs-cbn.com naman para sa online. Samantalang may livestreaming naman ang laro sa umaga sa pagitan ng Adamson University (AdU) at University of Santo Tomas (UST).
 
Nais mabawi ng Blue Booters ang titulong nawala sa kanila sa likod ng husay ni Jarvey Gayoso, isa sa mga batang kumikinang ang bituin sa mundo ng Pinoy football. Bilang isang junior, mangunguna siya sa isang koponan na may apat na senior at kinikilala bilang isa sa mga inaasahang papasok sa Final Four. Sa kabilang banda naman, aasahan ng UE ang kanilang striker na si Mar Diano, na nasa ikalawang taon pa lang ng kanyang paglalaro, para makapasok sa Final Four pagkatapos mapunta sa ikalimang puwesto noong nakaraang taon.
 
Sa dako naman ng Juniors, buong torneo nanguna sa standings ang Bullpups at nais nilang tuldukan ang paghahari ng Baby Tams sa dibisyon. Walong taon nang kampeon ang Baby Tamaraws at mukhang ayaw pa nilang magpa-awat sa pangunguna sa Juniors.
 
Bukod pa riyan, maaasahan din sa coverage ng ABS-CBN Sports ang de kalidad na mga tagasuri at himay sa mga laro kabilang sina Bob Guerrero, Mikee Carrion, at Armand Del Rosario kasama ang dating DLSU Lady Green Booter na si Tasha Alquiros.
 
Huwag palampasin ang mainit na aksyon sa field sa paghahandog ng ABS-CBN Sports sa fans ng LIVE na mga laro sa UAAP Football Tournament mula sa Moro Lorenzo field at FEU-Diliman field sa S+A, S+A HD, LIGA, LIGA HD, na may livestream sa sports.abs-cbn.com at iWant simula Huwebes (Pebrero 21) sa laban ng UE-ADMU ng 1 pm na susundan naman ng Finals sa Juniors division sa pagitan ng NU Bullpups at FEU Baby Tamaraws ng 3 pm. Mapapanood ang mga laro sa UAAP men’s football tuwing Huwebes at Linggo.
 
Para sa mga karagdagang istorya at balita sa UAAP Football at mga bituin nito, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang www.abscbnpr.com.