News Releases

English | Tagalog

"Kadenang Ginto" mas titindi ang bangayan sa bagong yugto

February 26, 2019 AT 02:33 PM

Mas iinit ang bangayan at tarayan sa hapon ngayong iikot na ang mundo nina Cassie (Francine Diaz), Marga (Andrea Brillantes), Romina (Beauty Gonzales), at Daniela (Dimples Romana) na pare-parehong lalaban para sa karangyaan at kislap ng pamilya Mondragon sa pagkawala ni Robert (Albert Martinez) sa pinag-uusapang serye sa hapon na “Kadenang Ginto.”

Magaganap na nga ang malaking pagbabago sa buhay ng mga bida matapos ang hindi inaasahang pagkawala ni Robert nang biglang sumabog ang helicopter na sinasakyan nito, dahilan para maiwan ang yaman nito sa kanyang pamilya.

Ito ang magiging marka ng mas matinding tapatan ng mga babaeng Mondragon dahil itutuloy ni Daniela ang pagbawi sa lahat ng yaman niya at pagkuha ni Marga sa trono bilang prinsesa ng kanilang pamilya.

Ngunit hindi naman basta susuko si Romina dahil mapangahas niyang patutunayang wala siyang kinalaman sa pagkawala ni Robert, at pagtitiisan naman ni Cassie ang lahat ng pang-aapi sa kanya hanggang sa makuha ang hustisya nilang mag-ina.

Pero sa gitna ng kanilang bangayan, magiging isa pa ring malaking palaisipan ang katotohanan sa panggagagahasang nangyari kay Romina, at ang koneksyon nito sa sinasabi ni Robert na katotohanang kanyang isisiwalat bago siya mawala.

Samantala, hindi naman nakapagpigil ang netizens ibahagi ang kanilang pagkasabik para sa bagong yugto ng serye sa social media.

“Ayos ‘to a, sige papayag muna kami na papahirapan sila Cassie at Romina kasi alam naman natin lahat na sa kanila pa rin ang huling halakhak,” komento ng Facebook user na si Jehan Atog Sapalon.

“Wow! Just wow! Mara Clara feels. This is what afternoon soap operas should be. Dapat gising ang emosyon ng mga manonood sa hapon,” papuri naman ng isang pang Facebook user na si Ferbus Bocha.

“I've been watching clips and reading comments of netizens about their theory and up until now netizens’ predictions really come to life, like this trailer for example... Fans predicted this. Feel ko gusto ibigay ng writers kung ano ang gusto ng viewers,” sabi ng YouTube user na si Myles Mendoza.

Patuloy din ang paghatak ng mga manonood ng “Kadenang Ginto” sa hapon matapos nitong magtala ng national TV rating na 19.9% noong Lunes (Pebrero 22), kumpara sa 10.9% ng “Inagaw na Bituin,” ayon sa datos ng Kantar Media.

Panoorin ang “Kadenang Ginto” tuwing hapon sa Kapamilya Gold sa ABS-CBN at ABS-CBN HD. Para sa updates, pumunta lamang sa abscbnpr.com at i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram.