News Releases

English | Tagalog

Mark at Mary Grace, na-evict sa PBB Otso

March 12, 2019 AT 03:43 PM

Isang madamdaming eviction night ang naganap nitong Linggo (March 10) nang dalawa sa mga housemate ang naging evictee mula sa Bahay ni Kuya sa Pinoy Big Brother Otso – ang “Incredible Tatay ng Compostela Valley” na si Mark at “Inday Taray ng Davao Occidental” na si Mary Grace.
 
Nakuha ni Mary Grace ang pinakamababang bilang ng boto (1.4%), at nakuha naman ni Mark ang pangalawang pinakamababa (16.86%). Ang binoto ng taong bayan na manatili pa sa Bahay ni Kuya ay si Thea (28.32%) at si Lou (53.43%).
 
Bago tuluyang lumabas ng Bahay, binalikan ni Mary Grace ang kanyang mga natutunan sa loob ng Bahay. “Hindi ko makakalimutan yung mga advice ni Kuya na tagos sa puso saka mga hamon na kailangan mo nang sukuan…pero pag-isipan mo munang mabuti bago mo sukuan ang inyong mga pangarap,” sabi ni Mary Grace.
 
Hindi naman malilimutan ni Mark ang pag-alis ni Apey. “That was my hardest cry ever,” bitaw ni Mark tungkol sa nakababatang kapatid na kanyang nakilala lamang nang pumasok sa Bahay ni Kuya at sumalubong sa kanyang paglabas. “Laban lang, maging totoo palagi at ibukas ang isip at puso para sa kasamahan para maging successful sa task,” ang naging mensahe naman nito sa mga natitirang Housemate.
 
Dahil dalawa ang tuluyan nang lumisan sa Bahay ni Kuya, dalawa naman ang napiling pumasok mula sa Camp Star Hunt, ang Star Dreamers na si Camille, ang “Scent-sational Star ng Pampanga,” at Kim, ang “Bro On-The-Go ng Davao City,” na ang kambal na si Kin ay patuloy ang pamamalagi sa loob Camp Star Hunt.
 
Pumasok ang dalawa matapos ang kanilang tagumpay sa inabangang “Ultimate Pinoy Big Battle,” kung saan natalo ng Team Camp ang Team Bahay. Ang “Ultimate Pinoy Big Battle” ang huli at pinakamatinding pagsubok na pinagdaanan ng mga Star Dreamer at Housemate matapos sumailalim ang lahat sa isang linggong military training.
 
Ngunit bago matapos ang gabi, isa namang pasabog ang inihayag ng isa sa mga host na si Bianca Gonzales—apat na House Challengers o dating mga housemate ang babalik sa Bahay ni Kuya. Binubuo ito nina Abi, Tori, Wakim, at JC. Kung ano ang kanilang misyon, malalaman ito sa mga susunod na araw.
 
Nagbigay rin ng pahiwatig si Melai, ang isa sa mga host, na may isa pang papasok sa Bahay ni Kuya, na kanyang tinawag na “Haligi ng OPM.”
 
Nag-trend worldwide ang palabas habang pumalo ng higit sa 100,000 ang pinagsamang bilang ng viewer nito sa YouTube (56,000) at Facebook Live (51,000).
 
Panoorin ang “PBB Otso,” gabi-gabi sa Primetime Bida ng ABS-CBN, pagkatapos ng “Halik,” tuwing Sabado pagkatapos ng “Home Sweetie Home,” at tuwing Linggo pagkatapos ng “Wansapanataym.”Mapapanood din ang “PBB Otso Gold” sa Kapamilya Gold pagkatapos ng “Los Bastardos.”
 
Maaari namang subaybayan ang “Camp Star Hunt” at ang livestream ng “PBB Otso” sa iWant.
 
Sundan ang @PBBabscbntv sa Facebook, @PBBabscbn sa Twitter, @pbb_abscbn sa Instagram, at Pinoy Big Brother sa YouTube. Maaari ring sundan ang @starhuntabscbn sa Facebook, Twitter, and Instagram.
 
Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.