News Releases

English | Tagalog

"Kadenang Ginto" humataw sa bagong all-time high, pinakapinapanood na serye sa hapon

March 20, 2019 AT 02:13 PM

Mas maraming manonood sa buong bansa ang tumututok tuwing hapon sa maiinit na bangayan at tarayan sa “Kadenang Ginto” kaya naman muli itong humataw at nagtala ng all-time high national TV rating noong Martes (Marso 19).
 
Nakakuha nga ang Kapamilya serye ng national TV rating na 24%, o halos dobleng lamang sa katapat nitong programa na “My Special Tatay” na nagtala lamang ng 12.1%, ayon sa datos ng Kantar Media. Bukod naman sa telebisyon, tinututukan din ang serye sa iWant dahil ito ang kasalukuyang pangalawa sa pinakapinapanood na programa sa streaming service.
 
Tinutukan nga ng mga manonood noong Martes ang nangyaring pagsuplong ni Cassie (Francine Diaz) kay Daniela (Dimples Romana) sa pulis matapos siyang sampalin ng nakakatandang kapatid. Dahil sa iniwang galos sa kanya ng kanilang komprontasyon, nagkaroon ng lakas ng loob si Cassie na ipagtanggol ang karapatan niya sa pagtira sa kanilang mansyon at ipaalam kay Daniela na hindi siya basta magpapaapi.
 
Sa kabila ng kaguluhan, magkakaroon na ng pag-asa si Romina (Beauty Gonzales) na makalaya sa kulungan ngayong posible siyang payagang makapagpiyansa ng korte. Pero hindi hahayaan ni Daniela na dumali ang buhay ni Romina dahil gagawin niya ang lahat para mabulok ang kaaway sa kulungan.
 
Hanggang kailan nga ba magtitiis sina Cassie at Romina sa pang-aapi nina Daniela at Marga (Andrea Brillantes)?
 
Samantala, hindi rin napigilan ng netizens na ibahagi ang kanilang reaksyon at emosyon para sa serye.
 
“This is what I love about Cassie she's really smart and strong no matter what. Go cassie laban lang! Pakatatag ka,” sabi ng YouTube user na si Alexa RD.
 
“Palaban na si Cassie at Romina, ganyan ang gusto ko yung lumalaban ang inaapi. Go Cassie at Romina,” komento naman ng Facebook user na si Maritis Espada Casuela.
 
“@DimplesRomana I do hate your character in Kadenang Ginto and it’s making me love you more as an actress,” tweet naman ni @KohtaLee.
 
Panoorin ang “Kadenang Ginto” tuwing hapon sa Kapamilya Gold sa ABS-CBN at ABS-CBN HD. Para sa updates, pumunta lamang sa abscbnpr.com at i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE