News Releases

English | Tagalog

UAAP Season 81 Streetdance Competition, magpapasiklab sa ABS-CBN S+A

March 20, 2019 AT 09:22 AM

Tiyak na mapapaindak ang lahat ng manonood sa UAAP Season 81 Streetdance Competition sa darating na Sabado (Marso 23) sa husay sa pagsasayaw ng mga pambato ng walong unibersidad sa liga sa ABS-CBN S+A at iWant Sports, LIVE ng 2 pm mula sa Araneta Coliseum.
 
Susubukan ng defending champion na Dance Company Street Alliance ng Far Eastern University (FEU) na manaig uli laban sa La Salle Dance Company – Street ng DLSU at UP Streetdance, na nasungkit ang first at second runner-up noong nakaraang taon. Makakaharap pa nila ang mga kapwa nila mananayaw tulad ng Adamson Cast (Adamson); NU Underdawgz (NU); Company of Ateneo Dancers (ADMU); UST Prime (UST); at UE Street Warriors (UE).
 
Magsisilbing host ang “Upfront” hosts na sina Janeena Chan at Martin Javier sa naturang kumpetisyon, kung saan mapapanood din ang kauna-unahang UAAP-JBL Freestyle Showdown, na paglalabanan ng mga napiling indibidwal na representante ng mga eskwelahan.
 
Samantala sa Juniors division naman, na nagsimula lang sa patimpalak noong nakaraang taon, dedepensahan ng UST Galvanize ang kanilang korona kontra sa ibang mananayaw sa high school mula sa FEU Baby Tamaraws Dance Company at UE Street Varsity team, na nanalo bilang mga runner-up noong 2018. Lalaban din ang iba pang eskwelahan tulad ng Adamson Cauldron Dance Company (AdU); NU-Nazareth School Underdawgz (NU); Zobel Dance Company (DLSZ); at UPIS BLK (UPIS).
 
Huwag palampasin ang mga indakan at nakakawiling sayawan ng mga estudyante ng UAAP sa UAAP Season 81 Streetdance Competition na mapapanood ng LIVE sa S+A, S+A HD, LIGA, LIGA HD, at via livestream sa iWant Sports at sports.abs-cbn.com simula 2 pm mula sa Araneta Coliseum.
 
Para sa mga karagdagang istorya at balita sa UAAP, sundan lamang ang @ABSCBNSports sa Twitter at Facebook o bumisita sa sports.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang @ABSCBNPR sa Twitter, Facebook, at Instagram o bisitahin ang www.abscbnpr.com.