News Releases

English | Tagalog

"Idol Philippines" hahanapin na ang bagong idol sa kantahan ngayong Linggo

April 17, 2019 AT 03:25 PM

Muling bibida ang astig na talento ng mga Pinoy sa kantahan sa pagsisimula pinakamalaking singing competition na hahanap sa bagong iidolohin ng bansa, ang “Search for the Idol Philippines” na mag-uumpisa ngayong Linggo (Abril 21) sa ABS-CBN.
 
Iba’t-ibang kwento ng pangarap ang matutunghayan ng mga manonood sa pagsasama-sama ng idol hopefuls mula sa bawat sulok ng bansa at iba’t-ibang panig ng mundo. May magpapasaya, magpapaluha, at higit sa lahat, magbibigay inspirasyon linggo-linggo.
 
Magsasanib-puwersa rin sa unang pagkakataon ang apat sa mga naglalakihang bituin sa industriya na kinabibilingan nina Regine Velasquez-Alcasid, Moira Dela Torre, James Reid, at Vice Ganda na sama-samang kikilatis at magdedesiyon sa kapalaran ng bawat kalahok.
 
Sa loob ng higit tatlong dekada, pinatunayan nga ni Regine na isa siyang OPM icon sa mga hindi niya malilimutang hit songs at pagiging inspirasyon sa bagong henerasyon ng singers. Sa unang pagkakataon niya bilang judge sa reality-talent show, ibabahagi niya ang kanyang karanasan bilang primyadong mang-aawit na huhubog sa susunod na singing idol ng bansa.
 
Bagong tunog naman ang ibinigay ni Moira Dela Torre sa OPM sa sunod-sunod niyang hit songs. Siya rin ang most streamed Filipina artist ng Spotify noong 2018 na nagpapakita sa malaki niyang impluwensya sa musika. Ngayon naman, gagamitin niya ang naiiba niyang boses upang kilatisin ang mga kalahok na may sariling tunog at nangangarap ding magnining sa larangan ng pagkanta.
 
Mula naman sa pagiging TV at movie actor, isa na ring multi-awarded singer-songwriter ang Multimedia Prince na si James. Mayroon na rin siyang sariling record label, ang Careless Music Manila, na nagpapatunay sa abilidad niya bilang isang producer. Magsisilbing inspirasyon sa mga kalahok ang kanyang pagiging all-around artist at pagkakaroon ng total package para magmarka sa industriya.
 
Isa namang record-breaking concert performer ang Unkobogable Phenomenal Box-Office Star na si Vice Ganda sa taon-taon niyang sold-out concerts. Nangunguna rin sa radio charts ang mga pinauuso niyang kanta na nagdadala ng good vibes sa madlang people. Bukod sa tawanang dala niya tuwing tanghali, kabibiliban naman siya sa mga diretsahang komento niya linggo-linggo na susubok sa tatag ng singing aspirants.
 
Sasamahan naman sila ng international RnB sensation na si Billy Crawford na linggo-linggo ding maghahandog ng iba’t-ibang kwento ng pangarap na kabibiliban ng mga manonood.
 
Panoorin ang idol hopefuls sa pagkamit ng kanilang pangarap sa “Search for the Idol Philippines” simula ngayong Linggo (Abril 21) sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.