News Releases

English | Tagalog

McCoy at Maris muling pinagtagpo ng tadhana sa "MMK"

May 16, 2019 AT 03:06 PM

Muling bibida sa telebisyon ang tambalan nina McCoy De Leon at Maris Racal sa pagganap nila bilang dalawang taong nagkahiwalay ng mahabang panahon ngunit muling pinagtagpo ng tadahana sa “MMK” ngayong Sabado (Mayo 18).

Mahilig sa musika ang dalagang si Carol (Maris), kaya naman agad silang nagkasundo ng binatang si Erlwin (McCoy). Ngunit agad ding naudlot ang lumalalim nilang pagkakaibigan nang kinailangan ni Erlwin bumalik sa probinsya, dahilan para tuluyan silang magkalayo.

Pero hindi ito naging hadlang dahil sa loob ng walong taon, nagpalitan ang dalawa ng mga sulat at pinanatili ang tibay ng kanilang samahan. Nang magpasya silang muling magkita, hindi nakarating si Erlwin. Lubos itong dinamdam ni Carol, kaya nagdesisyong tuluyan nang kalimutan ang binata.

Lumipas ang maraming taon at nakahanap si Carol ng ibang lalaking makapagbibigay ng pagmamahal na kanyang inaasam. Ngunit bago maganap ang kasal niya sa kanyang nobyo, muling magkukrus ang landas nila ni Erlwin. Dito muling manunumbalik ang lahat ng kanyang nararamdaman at labis na susubukin ang kanyang paninidigan sa kung sino ba ang pipiliin niyang makasama habambuhay.

Saan nga ba hahantong ang muling pagkikita nina Erlwin at Carol? Paano nga ba nila mapapatunayang sila ang itinadhana para sa isa’t-isa.

Kasama din sa episode sina Sharmaine Suarez, Karl Gabriel, at Candy Pangilinan. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Barry Gonzalez.

Huwag kalimutang panoorin ang longest-running drama anthology sa Asya, ang “MMK,” tuwing Sabado sa ABS-CBN. Para sa mga update, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o magpunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.