News Releases

English | Tagalog

"Gold Squad" may special task sa "PBB Otso"

May 20, 2019 AT 05:56 PM

​Panibagong hamon ang dala ng “Kadenang Ginto” stars na sina Andrea Brillantes, Seth Fedelin, Kyle Echarri, at Francine Diaz sa loob ng bahay ni Kuya, na susubok sa samahan ng natitirang teen housemates ng “PBB Otso.”

Sorpresa nga ang naging pagpasok ng “Gold Squad” na may special task na magpanggap na official housemates at ipunin ang lahat ng golden medals ng teen housemates para sa isang charity.

Para naman hindi mahalata ang kanilang diskarte, agad silang isinalang ni Kuya sa isang task kung saan kinailangan nilang makakawala mula sa pagkakagapos sa kadena. Isang welcome party rin ang inihandog sa kanila, na naging daan naman para lalong makilala ng Kapamilya stars ang housemates ni Kuya.

Magdaragdag naman ng tensyon sina Andrea at Francine sa loob ng bahay dahil sa kunwari nilang pag-aaway na mauuwi pa sa iyakan. Ngunit ang hindi alam ng housemates, isa ito sa kanilang diskarte upang mapagtagumpayan ang kanilang task.

Magawa nga kaya ng “Gold Squad” ang kanilang misyon? Paano naman kaya sila mapipigilan ng teen housemates?

Samantala, opisyal na ngang parte ng Batch 3 Teen Big 4 ang “Boy Masigasig ng Nueva Ecija” na si Batit Espiritu matapos niyang mapagtagumpayan ang Big Jump Challenge ni Kuya kung saan ibinalanse niya sa weighing scale ang mga salitang “pangarap laging ilaban” na nagluklok sa kanya sa pinag-aagawang pwesto.

Panoorin ang “PBB Otso,” gabi-gabi sa ABS-CBN. Mapapanood din ang “PBB Otso Gold” sa Kapamilya Gold pagkatapos ng “Los Bastardos.” Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE