News Releases

English | Tagalog

"Los Bastardos," pumalo sa all-time high rating

May 22, 2019 AT 03:36 PM

Inabangan ng mas maraming Pilipino ang mga maiinit na eksena ng Kapamilya seryeng “Los Bastardos,” kaya naman humataw ito sa bago nitong all-time high national TV rating noong Biyernes (Mayo 17).

Nagtala ang serye ng national TV rating na 19.6%, o siyam na puntos na lamang kumpara sa “Inagawa na Bituin” (10.6%), ayon sa datos ng Kantar Media.

Tinutukan ng mga tagasubaybay ang episode kung saan nagtulong-tulong ang magkakapatid na Cardinal upang iligtas si Soledad (Gloria Diaz) mula sa kapahamakan nang itulak siya ni Matteo (Marco Gumabao) mula sa abandonadong gusali.

Tuloy-tuloy namang kinapitan ang serye hanggang Lunes (Mayo 20), kung saan ipinakita naman ang madamdaming pag-aya ni Isagani (Jake Cuenca) ng kasal sa kasintahang si Isay (Maxine Medina). Lubos na kinikiligan ang eksena na umani pa ng sari-saring papuri mula sa netizens.

“Gani! Mula nang umamin sila sa nararamdaman nila at nag-away, doon natanggap ni Isagani na hindi niya kaya mawala muli si Isay. Iyon ang moment nalaman niyang gusto niya siyang pakasalan,” sabi ng Twitter user na si @gotkatzy.

“May matinding chemistry sina Jake at Maxine bilang Isagani at Isay! Mararamdaman mo ‘yung matinding pagmamahal sa screen,” komento naman ng YouTube user na si SaGeForReal.

“OMG! Naiiyak ako and kinikilig habang pinapanood ang proposal ni Isagani kay Isay. Isay and Gani forever,” sabi naman ng isa pang YouTube user na si Pamela34.

Samantala, panibagong laban nga ang haharapin ng magkakapatid na Cardinal sa pagdating ni Catalina (Jean Saburit), na magdadala ng kaguluhan sa kanilang buhay. May buhay ng aba uling malalagay sa panganib?

Panoorin ang “Los Bastardos” tuwing hapon sa “Kapamilya Gold” pagkatapos ng “Kadenang Ginto.” Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o kaya ay magpunta sa www.abscbnpr.com.