News Releases

English | Tagalog

Vice Ganda, pumasok sa "PBB Otso" house para kay Hasna

June 06, 2019 AT 04:31 PM

Napuno ng good vibes ang gabi ng mga manonood noong Miyerkules (June 5) matapos sorpresang bumisita si Vice Ganda sa “PBB” house at personal na mag-abot ng tulong sa online ukay task para sa housemate na si Hasna Cabral, na ina ng dalawang batang may special needs.
 
Nagkaloob ng designer clothes si Vice para sa kanilang “Pinoy Big Ukay,” kung saan ibinebenta nila ang mga damit na ginamit sa Star Cinema movies upang makatulong sa pag-aaral ng mga anak ni Hasna.
 
Tumatak nga ang “Ukay Nanay ng Cavite” matapos niyang ibahagi ang kwento ng buhay nila ng dalawang anak at ang pangarap niyang maipasok sa school for children with special needs ang mga ito.
 
“Sa haba ng lalakbayin mo bilang nanay, walang-wala ito. Pero kahit papaano sana sa sandaling panahon, makagaan,” sabi ni Vice kay Hasna. “Naramdaman kong kailangan kong pumunta rito at tumulong. Hindi pwedeng nandoon lang ako, naiyak ako tapos wala akong ginawa.”
 
Bukod sa mga inihandog ni Vice, ilan pa sa mga mabibiling damit sa “Pinoy Big Ukay” ay mula sa mga pelikulang “Fantastica,” “The One That Ghost Away,” “The Hows of Us,” “Kusina King,” “3 Words to Forever,” “Sakaling Maging Tayo,” “Last Full Show,” at “Exes Baggage.” Sa mga gustong mag-order, pumunta lamang sa instagram.com/pbbabscbntv.
 
Samantala, isang anunsyo nga ang gumulat sa lahat matapos mapatawan ng forced eviction si Banjo Dangalan. Una na siyang nakagawa ng violation at binigyan ng babala ni Kuya nang magsabi ang mga babaeng housemates na hindi sila kumportable sa pag-amoy ng buhok nila ni Banjo. Ngunit muling naulit ang kanyang mga maselang aksyon nang magbitiw siya ng rape jokes sa kapwa housemates. Nilabag niya ang patakarang pagbabawal sa “mga salitang nakakababa ng pagkatao, lahi, at pambabastos.”
 
Panoorin ang “PBB Otso,” gabi-gabi sa ABS-CBN. Mapapanood din ang “PBB Otso Gold” sa Kapamilya Gold pagkatapos ng “Los Bastardos.” Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.