News Releases

English | Tagalog

Maja, Geoff, Janella, at Joshua mabubuhay nang may takot at pag-ibig sa "The Killer Bride"

July 26, 2019 AT 02:20 PM

Pagmamahal at takot ang magpapaikot sa mundo ng apat na taong naghahanap ng hustisya para sa pinatay na pag-ibig sa pag-uumpisa ng inaabangang Kapamilya seryeng “The Killer Bride” na malapit nang mapanood sa ABS-CBN.

Sa serye na ito unang magsasama sa telebisyon ang dalawang aktres na Salvador na sina Maja at Janella, kung saan makakatambal nila sa unang pagkakataon sina Geoff Eigenmann at Joshua Garcia.

Mapapanood si Maja sa inaabangang pagbabalik telebisyon niya bilang si Camila Dela Torre, isang babaeng kilala sa ganda, talino, at busilak niyang puso. Gaganap naman si Geoff bilang si Vito Dela Cuesta, ang lalaking magpapa-ibig kay Camila. Marami ang susubok sa kanilang pagmamahalan pero lalaban sila at magpapasyang magpakasal.

Ngunit isang eskandalo ang gugulat sa lahat dahil sa araw ng kasal ng dalawa, makikita si Camila na duguan sa tabi ng bangkay ng kapatid ni Vito na si Javier. Dito siya kasusuklaman ng lahat at babansagang “Killer Bride.” Kalaunan, mamamatay ito matapos masunog ang kulungang kinalalagyan.

Magiging malaking usap-usapan sa Las Espadas ang “killer bride” at kakalat ang haka-haka na may nakikita ang mga residente na babaeng duguan at naka-belong pang kasal. Magkakatotoo ang hiwagang ito sa pagdating ni Emma (Janella), ang babaeng magsasabing sumapi sa kanya ang kaluluwa ni Camila.

Marami ang magdududa kay Emma, at isa na rito si Elias (Joshua), isa sa mga tauhan ni Vito. Dahil sa utang na loob sa mga Dela Cuesta, gagawin niya ang lahat upang proteksyunan si Vito mula kay Emma, lalo na’t sinasabi nitong sumasapi sa kanya ang kaluluwa ni Camila.

Ginagamit nga kaya ni Camila ang katawan ni Emma para sa kanyang paghihiganti kay Vito at sa mga Dela Cuesta? Ano nga bang magiging papel ni Elias sa buhay ni Emma?

Kasama rin sa “The Killer Bride” sina Dominic Ochoa, Loren Burgos, Alexa Ilacad, Eric Nicolas, Keanna Reeves, Eddie Gutierrez, Aurora Sevilla, Cris Villanueva, James Blanco, Lara Quigaman, Ariella Arida, at Sam Concepcion.

Panoorin ang “The Killer Bride” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Instagram, at Twitter o bumisita sa abs-cbn.com/newsroom.