News Releases

English | Tagalog

Geoff Eigenmann magbabalik telebisyon sa "The Killer Bride"

August 01, 2019 AT 06:41 PM

Muling tututukan gabi-gabi si Geoff Eigenmann sa kanyang pagbabalik telebisyon at sa pagtatambal nila sa unang pagkakataon ni Maja Salvador sa inaabangang seryeng “The Killer Bride.”

Gaganap ang Kapamilya actor bilang Vito Dela Cuesta, isang musikero na iibig sa dalagang si Camila Dela Torre (Maja Salvador). Mauuwi naman sa masalimuot na hiwalayan ang dalawa dahil makikita ni Vito sa Camila na duguan at may hawak na patalim sa tabi ng bangkay ng kanyang kapatid.

Labis ang pasasalamat ni Geoff na makasama ang naglalakihang bituin ng serye at sabik sa mga maaari niya pang matutunan bilang aktor. “Masaya ako maging parte ng buong show. Excited din ako sa challenges coming my way,” sabi niya.

Matahal nang magkakilala sina Geoff at Maja ngunit malaki ang tiwala niya na tama ang panahon ng kanilang tambalan. “Very comfortable na kami with each other and matagal na kami magkaibigan. Pero this is the first time na (onscreen) partners kami. Sa tingin ko this is the right time talaga.”

Bukod kina Geoff at Maja, bida rin sa “The Killer Bride” sina Janella Salvador bilang Emma, ang babaeng nagsasabing sumasanib sa kanya ang kaluluwa ni Camila, at si Joshua Garcia bilang Elias, ang kanang kamay ni Vito na poprotektahan ang mga Dela Cuesta mula sa lahat ng panganib, kahit pa kay Emma.

Parte rin ng serye sina Dominic Ochoa, Loren Burgos, Alexa Ilacad, Eric Nicolas, Keanna Reeves, Eddie Gutierrez, Aurora Sevilla, Cris Villanueva, James Blanco, Lara Quigaman, Ariella Arida, at Sam Concepcion. Sa ilalim ito ng direksyon ni Dado Lumibao.

Panoorin ang “The Killer Bride” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Instagram, at Twitter o bumisita sa abs-cbn.com/newsroom.