News Releases

English | Tagalog

Yamyam, hinirang na Ultim8 Big Winner ng "PBB Otso"

August 05, 2019 AT 02:35 PM

Si Yamyam Gucong ng Batch 2 ang pinangalanang Ultim8 Big Winner ng “PBB Otso” matapos niyang makakakuha ng pinakamataas na boto mula sa taong bayan noong Linggo (Agosto 4).

Umani ang “Iskulit Bai ng Bohol” ng total text votes na 58.52% at nag-uwi ng P2 milyon, isang brand new condo unit, negosyo package, at Asian tour package.

Bago pa man ang Big Night, matindi na ang suporta ng mga manonood kay Yamyam dahil sa kanyang positibong disposisyon, kaya naman siya rin ang hinirang na batch winner ng Adult Batch 2. Hinangaan din siya sa paglaban niya sa mga pagsubok ni Kuya para makaipon ng gold bars, na bukod sa text votes, ay naging daan din upang makatuntong siya sa Ultim8 Big 4.

Samantala, si Kiara Takahashi naman ng Batch 4 ang 2nd Big Placer sa pagtala niya ng 30.29% text votes. Sinundan naman siya ni Lou Yanong ng Batch 2 na nakakuha ng 8.28% at Andre Brouillette na nagkamit naman ng 2.91%.

Noong Sabado, una nang inanunsyo si Fumiya Sancai bilang 5th Big Placer, si Lie Reposposa na hinirang na 6th Big Placer, si Ashley Del Mundo na pinangalanang 7th Big Placer, at Kaori Oinuma na umuwi naman bilang 8th Big Placer.

Naging hit rin online ang Big Night dahil pinanood ito ng higit sa 300,000 netizens at pinag-usapan ang naging bakbakan sa botohan ng Big Otso para maging trending topic worldwide ang official hashtags ng palabas na #PBBCelebr8AtTheBigNight at #PBBUltim8BigWinner.