News Releases

English | Tagalog

Shaina magdadala ng saya at tensyon sa "Nang Ngumiti ang Langit"

August 06, 2019 AT 06:00 PM

Malaking pagbabago ang magaganap sa buhay ni Mikmik (Sophia Reola) sa pagdating ni Shaina Magdayao bilang si nurse Grace, ang bagong karakter na madaragdag ng saya, pag-ibig, at tensyon sa tinututukang serye tuwing umaga na “Nang Ngumiti ang Langit”.

Una nang nagkaroon ng pasilip sa karakter ni Grace (Shaina) na ipakilala siya bilang nurse ni Divina (Pilar Pilapil). Magiging malapit siya kay Mikmik dahil sa kabutihan niya, ngunit magiging balakid naman siya sa mga plano ni Katrina (Cristine Reyes) sa pag-usbong ng pagkakaibigan sa pagitan nila ni Michael (RK Bagatsing).

Ano nga bang magiging papel ni Grace sa buhay nila?

Samantala, labis ang saya ng aktres sa muling pagbabalik niya sa telebisyon upang muling makapagbigay ng saya sa mga manonood. “Masaya po ako na mapasama sa pamilya nila and to be able to work with the kids on the set dahil nakakawala talaga ng pagod,” sabi ng aktres.

Ayon kay Shaina, kung kinainisan naman ang kontrabida roles niya noon, siguradong mamahalin naman ng mga manonood ang busilak na puso ni Grace. “Si Grace ay magiging protektor ni Mikmik. For a while, kontrabida ang roles ko. Now, I am happy dahil puro angels ang kasama ko sa set,” kwento niya.

Patuloy naman ang pamamayagpag ng “Nang Ngumiti ang Langit” sa timeslot nito, matapos magtala ito noong Biyernes (Agosto 2) ng national TV rating na 17.2%, o 9.6 puntos na lamang kumpara sa katapat nitong “Kapuso Movie Festival” (7.6%), ayon sa datos mula sa Kantar Media.

Tutukan ang mga inaabangang tagpo sa “Nang Ngumiti ang Langit” tuwing umaga sa ABS-CBN bago mag-“It’s Showtime.” Para sa updates, i-follow lang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).