News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN TVplus at MMDA, sanib-pwersa para sa real-time traffic alerts

August 08, 2019 AT 06:29 PM

ABS-CBN TVplus partners with MMDA for real-time traffic updates

ABS-CBN TVplus has partnered with the Metropolitan Manila Development Authority to give Filipinos real time and free information on the traffic situation in Metro Manila.

Nagkaisa ang ABS-CBN TVplus at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para maghatid sa mga Pilipino ng libre at real-time alerts tungkol sa lagay ng traffic sa Metro Manila na hindi na kinakailangan ang Internet.

Matatagpuan ang traffic advisories ng MMDA sa bagong feature ng TVplus na INFOplus na lalabas sa telebisyon kapag pinindot ng TVplus users ang red button sa kanilang TVplus remote.

Ayon kay MMDA chairman Danilo Lim, ang pagsasanib-pwersa ng MMDA at ABS-CBN para sa INFOplus ay makakatulong sa napakaraming tao.

“May multiplying effect ang kapabilidad ng ABS-CBN para talagang malawak at malayo ang mararating ng ating impormasyon. Gusto nating pagsilbihan at maabot ang pinakamarami kaya ito po ang nakikita kong napakalaking benepisyo ng proyektong ito,” ani Lim.

Walong milyon na ang nabentang ABS-CBN TVplus box noong Hulyo, kaya ito ang pinakaginagamit na digital terrestrial television o DTT service ng mga Pilipino sa buong bansa.

Samantala, binigyang diin naman ni ABS-CBN head of Access Charles Lim ang kahalagahan ng impormasyon para makatulong sa pang araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

“Hindi lang entertainment ang gusto naming ibigay sa mga Pilipino. Hangad din naming mabigyan sila ng mahalagang balita at impormasyon kaya tinawag namin ang serbisyo na INFOplus kasi nagbibigay kami ng karagdagang impormasyon para matulungan sila sa pang araw-araw na pamumuhay nila. Gusto naming mas ligtas at mas may kaalaman sila na hindi kinakailagan gumastos,” paliwanag ni Lim.

Bukod sa MMDA (Metro Manila Development Authority), nakipagsanib-pwersa rin ang ABS-CBN TVplus sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) at sa  NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) para sa real-time updates sa lagay ng panahon at sa kalamidad tulad ng lindol, pagbaha, at iba pa.  

Hatid naman ng ABS-CBN News ang mga makabuluhang balita kabilang na ang work at class suspensions, pati na ang presyo ng mga bilihin sa merkado. Magbibigay naman ng job alerts sa mga naghahanap ng mapapasukang trabaho ang TrabaHanap.

Dagdag din ang INFOplus sa isa pang public service feature ng ABS-CBN TVplus na emergency warning broadcast system (EBWS) na nag-aalerto sa TVplus users kapag may lindol at iba pang mga kalamidad.

Ang ABS-CBN na nagta-transition bilang isang digital company, ang unang media at entertainment company sa bansa na nagpakilala ng DTT o digital terrestrial television sa bansa sa pamamagitan ng ABS-CBN TVplus na inilunsad noong 2015 at nakabenta na ng walong milyong box as of July 2019.