News Releases

English | Tagalog

Ana Ramsey, may handog na awitin para sa mga nalilitong puso

August 09, 2019 AT 06:22 PM

Ana Ramsey officially launches soothing new track "Tahan"

Watch the music video of Ana Ramsey's "Tahan" on MYX and on Star Music's YouTube channel.

Isang bagong pinto ang magbubukas para kay Ana Ramsey sa paglulunsad ng kanyang awitin na "Tahan," na tumatalakay sa paghihirap ng isang nalilitong puso mula sa Star POP.
 
Ayon sa Kapamilya singer, kinilabutan siya noong unang beses na pinakinggan niya ang kanta. "Kasi may tatlong songs na iprinesent sa akin tapos nung time na pinakinggan ko ito, may kilabot, may recall ako agad dun sa chorus, so sabi ko ang ganda-ganda," kwento ni Ana sa ginanap na paglulunsad ng “Tahan” music video.
 
Bukod sa pagiging DJ, nabiyayaan din ng talento sa pag-awit, pagsusulat ng kanta at pagho-host si Ana. Hindi na siya bago sa larangan ng pag-awit dahil noong 2010, sumali siya sa “Star Power: Sharon's Search for the Next Female Pop Superstar,” habang noong 2014 naman ay nanalo ng gold medal sa 2014 EuroPop Festival na ginanap sa Germany.
 
Lingid sa kaalaman ng marami, ang bagong Star Pop artist ay apo rin ng namayapang Queen of Rock and Roll na si Elizabeth Ramsey at pamangkin ng Queen of Soul na si Jaya. Gaya nila, mayroon ding kakaibang tunog si Ana na nararapat magkaroon ng mas maraming tagapakinig.
 
Sa kabila ng pressure ng pagiging isang ‘Ramsey,’ hindi ito alintana ni Ana. Anya, "Siyempre tumatak sila dito sa industriya, maganda yung mga ginawa nila at gusto ko pong sundan yung mga yapak nila pagdating sa pag-perform, sa pagkanta at sa pag-inspire sa mga tao gamit ang musika."
 
Panoorin ang official music video ng "Tahan" sa MYX at sa YouTube channel ng Star Music. Pakinggan din ito sa Spotify, Apple Music at iba pang digital stores. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.