News Releases

English | Tagalog

Barbie, pag-aagawan ng Pinoy at Taiwanese sa “Taiwan That You Love” ng iWant

September 20, 2019 AT 07:39 PM

Barbie, Paulo, and Stephen entangled in a love triangle in iWant's “Taiwan That You Love”

Original romantic comedy-fantasy series streams on September 25

Tadhana ang magdidikta sa kapalaran ni Barbie Imperial sa bagong iWant original series na “Taiwan That You Love” kung saan mapipilitan siyang mamili sa dalawang binatang nais angkinin ang kanyang puso.
 
Mapapanood na simula Miyerkules (Setyembre 25) ang naturang romantic comedy-fantasy series tampok si Barbie bilang ang masayahing si Ivi, na tutungong Taiwan upang sundan ang kanyang kasintahang si Eric (Paulo Angeles).
 
Upang hindi maging pabigat sa kanyang nobyo, magsisimula si Ivi ng isang iligal na tour service sa Taiwan, kung saan makikilala naman niya ang Taiwanese artist na si Wei-Ting (Stephen Rong). Bilang magkapitbahay sa condo, tila aso’t pusa ang dalawa sa simula, hanggang sa aksidente nilang makabangga ang isang matanda at mistersyosong lalaki.
 
Mababaliktad ang mundo ni Ivi pagkatapos magpakilala ni lolo bilang si Yue Lao, ang Matchmaking God na ipauubaya na ang tungkulin niya kay Ivi at ibibilin sa dalaga na dapat niyang mapagtagpo ang mga taong nakatakdang magkatuluyan sa mahiwagang aklat nito.
 
Dahil nakasulat sa Chinese ang mga pangalan sa libro, hihingin ni Ivi ang tulong ni Wei-Ting. Sa simula, tatanggihan ng binate ang pakiusap ni Ivi, ngunit kalauna’y mahuhumaling naman sa kanyang kabaitan at tiyaga. Dahil sa pag-usbong ng pagkakaibigan nilang dalawa, malalagay sa alanganin ang relasyon nina Ivi at Eric dahil sa pagseselos nito.
Sa kabila ng pagkakabuhol-buhol ng kanilang mga buhay, kailangang sipagan at diskartehan ni Ivi ang misyong itinakda para sa kanya. Dahil kung hindi niya ito makukumpleto, sasapitin niya ang isang mapait na kapalaran—ang maging “forever alone.”
 
Mapagtagpo kaya ni Ivi ang mga taong nasa mahiwagang aklat? Tuluyan bang mahuhulog ang loob niya kay Stephen o mas pahahalagahan niya ang pinagsamahan nila ni Eric?
 
Ang “Taiwan That You Love” ang ikalawang seryeng pagbibidahan ni Barbie pagkatapos ng hit Kapamilya teleseryeng “Araw Gabi” noong nakaraang taon. Miyembro naman ng Hashtags ng “It’s Showtime” si Paulo at naging bahagi ng “Araw Gabi,” “Dream Dad,” at “La Luna Sangre” ng ABS-CBN. Samantala, isa namang aktor, singer-songwriter, DJ, model, at host si Stephen sa Taiwan at minsa’y nahamon na ang talento nang kinailangan niyang mag-perform ng 18 na iba-ibang karakter sa isang stage play.
Ang digital series ay idinerek ni Theodore Boborol, na siya ring direktor ng hit romantic comedy-drama films na “Finally Found Someone,” “Vince & Kath & James,” at “Just The Way You Are.” Mapapanood din sa digital series sina Jai Agpangan, Igi Boy Flores,
Romnick Sarmienta, Mickey Ferriols, Anna Tian Yu Xuan, Ed Ngo, Charles Wu, Sharon Landon, at Melvin Sia.
 
Panoorin ang mga buhay na nakatali sa tadhana sa “Taiwan That You Love,” simula Setyembre 25 sa iWant app (iOs at Android) o sa iwant.ph. Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWant, sundan ang follow @iwant sa Twitter at @iwantofficial at @dreamscapedigital sa Instagram, o mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantPH.