News Releases

English | Tagalog

Mga alagad ng sining sa Pilipinas, ibibida ng ABS-CBN

January 17, 2020 AT 01:28 PM

ABS-CBN shines the spotlight on four Filipino masters of art

Ramon, Ugu, Jordan, and Waway were all featured in the third season of “Local Legends,” an award-winning documentary series produced by ABS-CBN DocuCentral.

Mga alamat sa “Local Legends” Season 3, tampok sa Sunday’s Best

Habang papasok ang buong bansa sa isang bagong dekada, masisilip ng mga Pilipino ang buhay ng apat na alagad ng sining na tumutulong panatilihing buhay ang ating mga tradisyon at industriya.

Bibida sa espesyal na edisyon ng “Local Legends” ngayong Linggo (Enero 19) sa ABS-CBN Sunday’s Best sina glass sculptor Ramon Orlina, potter Ugu Bigyan, solar artist Jordan Mang-osan, at soil painter Waway Saway.

Ikukuwento ng bawat isa ang kanilang inspirasyon at pinagdaanan upang maging magaling sa kani-kanilang mga sining.

Martial Law nang simulan ni Ramon, ang kinikilalang ama ng paglililok ng kristal o salamin sa Pilipinas, ang paggamit ng kanyang materyal. Ang Igorot na si Jordan naman ang nanguna sa bansa sa paggamit ng init ng araw sa pagguhit. Si Ugu, nilisan ang trabaho sa kumpanya at umuwi ng Quezon kung saan nakilala siya sa pagluluto at paggawa ng palayok. Samantalang si Waway naman ay nakilala sa paggamit ng lupa sa pagpipinta maliban sa pagtulong sa kanyang komunidad sa Bukidnon.

Iba-iba man ang pinagmulan, lahat sila ay may taglay na matinding pagmamahal sa bayan at sa sining na humubog sa kanila bilang mga manlilikha. Itinampok silang apat sa ikatlong season ng “Local Legends,” ang premyadong documentary series ng ABS-CBN DocuCentral na may layuning palaganapin ang kaalaman at respeto sa tradisyunal na sining, kultura, at likha ng mga Pilipino, upang ito ay maipasa pa sa mga susunod na henerasyon.

Ilang beses nang nanalo ang "Local Legends" maging sa ibang bansa tulad sa Cannes Corporate Media and TV Awards sa Pransya at New York Festivals World's Best TV & Film Awards sa Amerika.

Panoorin ang mga kwento ng mga artista ng bayan sa pagbabalik ng pinakamagagandang episode ng “Local Legends” Season 3 sa Sunday’s Best ngayong Enero 19 pagkatapos ng “GGV” sa ABS-CBN at ABS-CBN HD. Mapapanood ang “Local Legends” tuwing Biyernes sa DZMM TeleRadyo ng 10 pm at pagkatapos ng “Bandila” sa ABS-CBN. Manood online sa iWant at skyondemand.com.ph. Sundan ang programa sa @LocalLegendsPH sa Facebook at sa @DocuCentral sa Facebook, Instagram, at Twitter. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Instagram, at Twitter o bumisita sa abscbnpr.com.