News Releases

English | Tagalog

Juday, ibibida ang kabutihan sa kapwa sa "Paano Kita Mapasasalamatan" ng Kapamilya Channel

June 10, 2020 AT 04:32 PM

Juday highlights heartwarming acts of kindness in "Paano Kita Mapasasalamatan" on Kapamilya Channel

Kindness goes a long way, and it doesn't hurt to pay it forward, especially in these trying times.

Nakakahawa man ang karamdaman sa panahon ngayon, matindi rin ang pagkalat ng kabutihan na nagmumula at naipapasa sa kapwa, at habangbuhay na nababago ang buhay ng iba.
 
Ito ang mga kwentong bibigyan ng atensyon at pagpupugay ni Judy Ann Santos-Agoncillo sa bagong docu-drama na “Paano Kita Mapasasalamatan,” na mapapanood na simula ngayong Sabado (Hunyo 13), 6:45 PM sa Kapamilya Channel.
 
Sa pamamagitan ng mga panayam at pagsasadula ng mga pinagdaanan ng itatampok na indibidwal, layunin ng programang magbigay ng inspirasyon sa mga manonood at ipakita ang kapangyarihan ng kabutihan na mapabuti ang sitwasyon ng kapwa.
 
Sa unang episode, itatampok ni Juday si Iza Calzado na taos-pusong pinasasalamatan ang kasambahay niyang si Donna na piniling makasama ang aktres habang may quarantine at hindi siya iniwan lalo na noong nagpapagaling ang aktres sa COVID-19.
 
Bibigyang pugay naman ni Donna ang mag-asawang Rod at Lin na tinulungan siyang bumangon mula sa isang aksidente, samantalang handog nina Rod at Lin ang pagkilala sa katiwala nilang si Lando na itinuturing na nilang kapamilya. Papasalamatan naman ni Lando ang espesyal na taong sinakripisyo ang lahat para sa kanya at kanilang magkakapatid.
 
Mapapanood ang “Paano Kita Mapasasalamatan” sa Kapamilya Channel (SKYcable channel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat channel channel 2, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association (PCTA) sa buong bansa). I-check naman ang mysky.com.ph at kontakin ang cable operator para sa malaman ang channel assignment sa ibang lugar.
 
Bagama’t ngayon ay hindi lahat ang makakapanood ng Kapamilya Channel, unti-unting maghahanap ng paraan ang ABS-CBN para maihatid ang mga programa sa higit pang nakararaming nagmamahal at nasasabik sa mga paborito nilang palabas mula sa ABS-CBN.
 
Salubungin ang pagsisimula ng “Paano Kita Mapasasalamatan” kasama si Judy Ann Santos-Agoncillo sa Kapamilya Channel simula ngayong Sabado (Hunyo 13), 6:45 PM sa SKY, Cablelink, G Sat, at karamihan ng cable operators na miyembro ng PCTA sa buong bansa.
 
Mapapanood naman ang livestreaming ng Kapamilya Channel at mapapanood ang mga programa nito sa iWant app at sa iwant.ph. Ipapalabas din ang episodes ng programa sa buong mundo sa TFC and tfc.tv.