News Releases

English | Tagalog

Gloria, Maxine, Winwyn, Ross, at Maris, bibida bilang pamilya ng mga reyna sa “Beauty Queens” ng iWant

July 14, 2020 AT 07:07 PM

Gloria, Maxine, Winwyn, Ross, and Maris uphold family legacy in iWant’s “Beauty Queens”

Direk Joel Lamangan brings together iconic titleholders in his first iWant series

Direk Joel Lamangan, pinagsama-sama ang Pinay titleholders

 

Rarampa bilang mga reyna ng kagandahang ang real-life titleholders na sina Gloria Diaz, Maxine Medina, at Winwyn Marquez, kasama sina Ross Pesigan at Maris Racal, sa iWant original series na “Beauty Queens” na mapapanood simula ngayong Miyerkules (July 15).

Sa six-part series, pangarap ng Miss Universe 1969 na si Dahlia (Gloria) na maipasa sa kanyang mga babaeng anak ang titulong Miss Universe. Nagsimula ito nang mangako si Dahlia sa kanyang inang si Tarsila (Maris), ang kahuli-hulihang Carnival Queen ng Maynila noong 1939, na susunod ito sa kanyang mga yapak.

Ngunit sa pagkahumaling ni Dahlia na maging beauty queen ang mga anak niya, hindi nito napagtanto na iba-iba pala ang mga gusto nilang gawin sa buhay.

Maglalayas ang panganay niyang si Daisy (Maxine) para maging madre, magiging aktibista at mabubuntis naman si Tingting (Winwyn), habang ang bunso at unico hijo niyang si Rico (Ross) ang tanging yayakap sa pangarap na maging beauty queen at itatanghal na Miss Gay Universe.

Matapos ng ilang taong pagkakahiwalay, iimbatahan ni Dahlia ang mga anak sa isang party upang ipagdiwang ang centennial birthday ng kanyang yumaong ina at para na rin makasamang muli ang kanyang mga anak na malalayo na ang loob sa kanya. Ngunit imbes na mag-bonding, mag-uungkatan ang buong pamilya ng kanilang mga sikreto at sama ng loob.

Maaayos pa kaya ni Dahlia ang relasyon niya sa mga anak niya?

Ang “Beauty Queens” ang kauna-unahang iWant original ng award-winning director na si Joel Lamangan. Mula sa ATD Entertainment Productions, tampok din sa cast nito sina Lotlot De Leon, James Blanco, Ruby Ruiz, Rafa Siguion-Reyna, Shido Roxas, at Nella Marie Dizon.

Mapapanood ang “Beauty Queens” nang libre simula Hulyo 15 (Miyerkules) sa iWant app (iOs at Android) o iwant.ph. Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWant, sundan ang @iwant sa Twitter at @iwantofficial sa Instagram, at mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantPH.