News Releases

English | Tagalog

"Ang Sa Iyo Ay Akin" ng Aegis, patok sa netizens

August 25, 2020 AT 04:47 PM

Aegis wows netizens in "Ang Sa Iyo Ay Akin" theme song

Watch its music video featuring highlights of “Ang Sa Iyo Ay Akin” the series on ABS-CBN Entertainment’s YouTube channel.

Awiting swak sa matitinding eksena ng Kapamilya teleserye

Humakot agad ng dalawang milyong views ang theme song ng pinakabagong Kapamilya teleserye na “Ang Sa Iyo Ay Akin” na inawit ng walang kupas na bandang Aegis.

Dama ng netizens ang matapang na musika at markadong boses ng Aegis, na anila'y swak bilang theme song ng teleseryeng pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria, Iza Calzado, Sam Milby, at Maricel Soriano at mapapanood sa Kapamilya Channel at sa Kapamilya Online Live.

Pasok na pasok ang tema ng kanta sa istorya at matitinding eksena ng teleserye lalo na sa binabalak na paghihiganti ni Marissa (Jodi), ngayong nakalabas na siya ng kulungan matapos akuin ang kasalanan ng dati niyang best friend na si Ellice (Iza) para protektahan ang imahe ng pamilya nito.

Sanib-pwersa sina ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo at “TV Patrol” anchor Bernadette Sembrano sa pagsusulat ng “Ang Sa Iyo Ay Akin” mula sa Star Music, na unang orihinal na kanta ng Aegis makalipas ang ilang dekada.

"Bilang journalist palaging tungkol sa storya, 'diba? 'Yung madiskubre yung paraan ng pagku-kwento sa ganitong paraan, sobrang exciting para sa 'kin. 'Yung makapagkwento gamit ang musika, iba ang impact," ani Bernadette.

"Noong unang nakita ng Aegis, sabi nila ‘parang kami ang may gawa nito!’ May katapangan sa lyrics, tapos yung melody niya videoke-ready," kwento ni Jonathan.

Umani ng iba’t ibang reaksyon ang kanta mula sa netizens dahil sa matinding emosyong hatid nito. "Grabe ang lyrics ng kanta, punong puno ng hinagpis, poot, at galit. Pero mas pinatindi pa dahil Aegis ang kumanta. Pak na pak! Add-on na naman sa music list ko 'to," comment ni Shawn Pintor sa music video ng kanta sa YouTube.

"Grabe talaga ang Aegis... sobrang saludo sa paglagay ng napakaraming emosyon sa kanilang mga kanta magpahanggang ngayon. Tagos na tagos sobrang hugot," sabi naman ni Freya Natalia Montenegro.

Maging matapang sa gitna ng pagtataksil at pakinggan ang bagong kanta ng Aegis na “Ang Sa Iyo Ay Akin” sa iba't ibang digital streaming platforms. Panoorin din ang music video nito tampok ang matitinding eksena sa teleseryeng “Ang Sa Iyo Ay Akin” sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.fb.com/starmusicph), at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).