News Releases

English | Tagalog

Jodi at Iza, nagharapan na sa "Ang Sa Iyo Ay Akin"

September 12, 2020 AT 11:54 AM

Punong-puno ng tension ang unang harapan ng matalik na magkaibigan sa hit serye na "Ang Sa Iyo Ay Akin" nang hindi na mapigil ni Ellice (Iza Calzado) ang inis at pagkadismaya sa bagong pamamalakad ni Marissa (Jodi Sta. Maria) sa kanyang kumpanya.

Bukod doon, hindi rin nagustuhan ni Ellice na dinaan ni Marissa sa board ng kumpanya ang pagnanais itong maging shareholder.  Nahaharap sa matinding problema ang pearls company ni Ellice dahil sa pag-atras ng ilang investor at nanakaw na perlas.

Dala ng galit, sinugod ni Ellice si Marissa at kinumpronta kung bakit kailangan niyang idaan sa board ang gusto nito. Hindi naman siya inurungan ni Marissa at tinanong kung anong masama sa kanyang hangarin maging isa sa may-ari ng kumpanya.

Ngunit binigyang-diin ni Ellice na hindi pinagbebenta ang kanyang kumpanya at wala itong lugar dito.  Dahil sa nangyari, pinili na lang ni Marissa magresign at iwan ang kumpanya.

Ngayong nagkakaproblema na ang kanyang negosyo, ano na ang gagawin ni Ellice para maresolba ito? Saan kaya siya dadalhin ng kanyang pagdududa sa kanyang bestfriend at asawa? Ano-ano pa kayang gagawin ni Marissa para tuluyang makuha ang lahat ni Ellice?

Inaabangan na ang mas marami pang paghaharap nina Marissa at Ellice.  Tagisan din ng acting nina Jodi at Iza, pati si Maricel Soriano bilang nanay ni Marissa na nagdududa na rin sa mga kinikilos ng anak.

Napapanood ang “Ang Sa Iyo Ay Akin,” gabi-gabi sa Kapamilya Online Live,  Kapamilya Channel tuwing 9:20 PM at iWantTFC. I-download lang ang app sa Google Play o App Store, o bumisita sa iWantTFC.com.