News Releases

English | Tagalog

Sofia nabaliw sa selos, muntik sagasaan si Erich sa "La Vida Lena"

October 27, 2021 AT 04:47 PM

Desperada na si Rachel (Sofia Andres) na mawala si Lena (Erich Gonzales) sa buhay niya dahil sasadyain niyang sagasaan ito ngayong linggo sa “La Vida Lena” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
 
Buti na lamang at daplis lang ang makukuha ni Lena sa sasakyang minamaneho ni Rachel. Pero imbes na magdiwang, magluluksa lang si Rachel dahil tuluyan na siyang susukuan at iiwan ng asawang si Miguel (Kit Thompson) na hindi na makayanan ang mga pinaggagawa niya kay Lena.
 
Nasisiraan na ng bait si Rachel dahil bukod sa sobra-sobra na pagseselos kay Lena, hindi rin niya matanggap na umaalagwa ang mga produktong pampaganda na ibinebenta nito. Gumana rin ang pagpapa-interview ni Lena sa TV para ibahagi ang kwento ng kanyang buhay pagkatapos niyang ma-bash dahil sa pagkakalat ni Rachel ng itsura ni Lena bago ito magparetoke.
 
Dahil rin sa ginawa ni Rachel, mas magiging madali para kay Lena na paibigin si Miguel at lokohin ito para makapaghiganti.
 
Nawawalan na ng bala sina Lukas (Raymond Bagatsing) at Vanessa (Agot Isidro) para siraan ang kumpanya ni Lena. Pero hindi pa nagagamit ni Lena ang isang sikretong sisira sa kaaway niyang mag-asawa – na kabit ni Vanessa ang kaibigan nilang si Conrad (Christian Vasquez), na siya ring tunay na ama ni Adrian (JC De Vera).
 
Subaybayan ang paghihiganti ni Lena sa “La Vida Lena” gabi-gabi, 10 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z. Mapapanood din ang episodes nito sa iWantTFC at sa The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV para sa viewers sa labas ng Pilipinas.
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.
 
 

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE